SARIWA pa ang ginawang pag-raid nina DOJ Sec. Leila de Lima sa New Bilibid Prison (NBP) noong nakaraang Disyembre 15, 2014 at nakakum-piska ng mga baril, droga, cell phones, pera at marami pang iba, may panibago na namang nangyari sa NBP kahapon. Isang granada ang sumabog sa maximum security compound at isang bilanggo ang namatay at 19 ang sugatan. Ang namatay ay miyembro umano ng Sigue-Sigue Commando Gang. Naganap ang pagsabog pasado alas-nuwebe ng umaga sa gate ng Buil-ding 5 Delta na kinakukulungan ng mga miyembro ng Sigue-Sigue Commando.
Makaraan ang pagsabog, agad na naghalughog ang mga awtoridad at nakakumpiska nang mara-ming baril at mga itak sa loob ng compound. Parang armory ang bilangguan dahil sa dami ng armas na ang iba ay kinakalawang na dahil sa matagal na pagkakatago. Ibig sabihin, matagal nang may mga armas ang bilanggo at naghihintay lang marahil ng pagkakataon para magamit ang kanilang mga sandata. Tila handang-handa ang mga bilanggo sa pakikipagsagupa at pakikipagrambolan.
Sa pagkakadiskubre sa mga sandata ay lumutang na naman ang mga katanungan kung paano at bakit naipasok ang mga armas sa loob? Hindi na ito dapat pang itanong sapagkat kung ang Jacuzzi, king-size bed, bathtub, aircon, ref, alak, cell phones, gadgets, pera at droga ay naipasok para gamitin ng Very Important Prisoners na drug lord, gaano nang maipasok ang mga granada at baril.
Talamak ang katiwalian sa NBP at kumikita ang mga opisyal at guwardiya. Kapag may pera ang bilanggo, maipapasok lahat ang anumang gusto niya.
Ang dapat gawin ni Sec. De Lima, sibakin lahat ang opisyal at personnel ng Bureau of Corrections (BuCor) at pati mga guwardiya. Hangga’t hindi sila sinisibak, patuloy ang katiwalian sa NBP. Pero tila walang balak si De Lima na sibakin ang kanyang mga “bataan”. Huhum! Paano makikita ang “tuwid na daan?”