“NAKAPAGPLANO na kayo sa kasal, n’yo ni Princess?’’ Tanong ni Diana na hindi makapaniwala sa sinabi ni Jo.
“Opo. Pagka-graduate po ni Princess sa college ay magpapakasal na kami.’’
“Talagang maaasahan ka, Jo. Hindi nagkamali ang anak ko sa pagpili sa ’yo.’’
“Salamat po.’’
“Paano ka nga ba nakilala ng anak ko, Jo?”
“Kaibigan po ako ni Manong Wen sa Saudi. Matalik po kaming magkaibigan. Nagtaka nga po ako nang bigla siyang magpasyang uuwi na. Tinapos po niya ang kontrata noon. Wala naman po siyang dahilan. Biglaan po ang pag-finish contract niya.’’
“Ako ang dahilan nang biglaan niyang pag-uwi Jo. Kasalanan ko ang lahat. Hanggang sa mahuli niya ako na nagtataksil. Pero mabait pa rin si
Wen at hindi inilagay sa kamay ang batas. Wala siyang ginawa sa akin. Nanatili siyang kalmado. Hanga ako sa katatagan ng asawa ko.’’
“Nakuwento nga po iyon ni Princess. Kaya nga po awang-awa siya kay Manong Wen.’’
Napabuntunghininga si Diana. Mukhang sising-sisi sa nagawa.
“Paano nga po pala ang naging buhay mo Mam Diana. Bakit nga po nagkaroon ka nang maraming ari-arian?’’
“Matapos kaming mahuli ni Wen, nagpakalayu-layo ako. Nagtungo ako sa isang kaibigan sa San Jose del Monte sa Bulacan. Doon ako nakitira.’’
“Nasaan na po ang lalaki, Mam Diana?”
“Yung naging kalaguyo ko? Wala na. Iniwan na rin ako makaraan ang pagtataksil namin. Parang nagkatikiman lang.’’
“Ah ganun po pala.’’
“Hindi nagtagal ang aming kataksilan. Kusa nga akong lumayo. Makalipas ang isang taon, nag-aplay akong DH sa Hong Kong. Doon na nagsimula ang pagbabago sa buhay ko. Inayos ko ang buhay ko. Hindi na ako magkakamali at naipangako ko, babalikan ko ang aking pamilyang pinagkasalahan. Hanggang sa makilala ko si Howard, isang matandang Australyano. Mabait. Maunawain. Nagkaibigan kami. Makalipas ang isang taon, nagpakasal kami. Dinala ako sa Brisbane. Napakayaman pala niya. Napakaraming ari-arian. May plantation ng orange, apple, strawberry at iba pa. Maligaya ako. Pero alam mo, kulang pa rin ang nadama ko dahil hindi ko kapiling ang mga anak ko…”
(Itutuloy)