NAG-UUMPISA na ang mga epalitiko sa kanilang mga pagpapapansin. Malapit na talaga ang eleksyon.
Kaya naman ngayon palang kung anu-anong gimik na ang kanilang mga ginagawa makuha lang ang atensyon ni Juan at Juana Dela Cruz.
Kaniya-kaniya na silang sampay ng mga tarpaulin sa mga poste sa gilid ng lansangan at kung anu-ano pang mga basura, mapansin lang.
May balak pa yata silang unahan at talbugan si Pope Francis sa mga streamer nila habang ‘yung iba naman abalang-abala sa pakikisakay, angkas at sawsaw o SAS kung tawagin ng BITAG Live.
Syempre nga naman, alangan namang hindi pa nila samantalahin ang mga kaganapang inaantabayanan ng sambayanan. Sayang naman yung recall o tatak na maiiwan nila sa isipan.
Tulad na lang din pagdating ng tag-araw. Siguradong marami na namang mga pulitiko ang maglulunsad ng libreng tuli, libreng kasalan, pagbati sa mga magsisipagtapos, maging sa araw ng mga puso at kung anu-ano pang mga okasyon.
Mahalagang hindi madala at magpauto ang publiko sa mga pagpapaepal na ito. Ngayon din kasi ang panahon kung saan maglalabasan na ang mga pondo sa iba’t ibang departamento ng pamahalaan.
Kaya paulit-ulit kong sinasabi sa aking programa at sa kolum na ito sa mga taga-Luzon, Visayas at Mindanao, bantayan ang mga pondo sa pamamagitan ng projects, activities and programs o PAPS.
Baka kasi malingat tayo sa mga naglalabasang isyu na puro basura lang sa ere at hindi na natin mamalayan ang mga kilos at galaw ng mga malilikhaing pulitiko.
Tandaan, nasa kamay ng taumbayan ang magiging kahihinatnan at kapalaran ng isang bansa.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.