“ALAM mo Jo, matagal ko nang balak na puntahan si Princess at Precious pero hindi ko itinuloy sapagkat natatakot akong hindi nila papasukin o tanggapin sa bahay,” sabi ni Diana na pinapahid ang luha. “Ilang beses kong binalak iyon. Pero sa tuwing gagawin ko, natitigilan ako. Baka lalo lang akong masaktan kapag hindi nila matanggap.’’
“Talagang ganun po ang mangyayari, Mam Diana. Sinabi po sa akin ni Princess na kahit ano ang mangyari ay hindi ka niya mapapatawad. Kamakailan lang po niya sinabi sa akin. Nagpaplano na po kaming pakasal ni Princess at naitanong ko sa kanya kung mapapatawad ka sakaling dumating ka sa aming kasal. Hindi raw po. Sabi pa niya, itinuturing ka na nilang patay. Sorry po pero ’yan ang kanyang sinabi. Wala raw pong kapatawaran ang nagawa mo. Masyado pong nasaktan ang magkapatid sa nangyari…’’
Tumigil si Jo. Pinagmasdan si Diana. Muling nangilid ang luha ng babae.
Nagpatuloy si Jo sa pagsasalita, “Kung sana raw po ay nagawa mong dumalaw sa burol ng kanyang Tatay na si Manong Wen, bakasakaling napatawad ka. Pero hindi mo raw ginawa. Pinabayaan mo na raw sila. Hindi mo man lang nagawang alamin ang kanilang kalagayan. Sabi pa ni Princess, bakit hindi pa raw ikaw ang namatay. Sana raw ikaw ang namatay at hindi si Manong Wen. Masyado raw masakit ang ginawa mo sa kanilang ama. Nagpakahirap daw ito nang labis sa Saudi tapos ay ginantihan mo nang napakasakit. Sabi pa ni Princess, mula raw nang mangyari ang pagkakaroon mo ng relasyon sa ibang lalaki, masyadong naapektuhan ang kanilang sarili. Nakadama raw siya nang pagkapahiya. Para raw bang pinag-uusapan sila ng ibang tao dahil sa pangyayari. Para raw naglalakad sila sa kalsada na walang ulo…’’
Matagal bago nakapagsalita si Diana.
“Inaamin ko naman na masama ako. Pero napagsisihan ko nang lahat iyon. Maraming beses na akong humingi ng tawad sa Diyos. Naipangako ko na kapag napatawad ako nina Princess at Precious, magpapagawa ako ng simbahan sa aming lugar. Iyon ang dinadalangin ko. Sana mapatawad nila ako…’
“Gagawin ko po ang aking makakaya. Pero hindi po ako nangangako. Kasi po, mahirap ipilit ang isang bagay kung ayaw ng isang tao. Pero huwag ka pong mag-alala, malay natin baka lumambot ang puso ni Princess.’’
“Salamat Jo. Ngayon pa lamang nagpapasalamat na ako. Sana, lumambot ang damdamin ng mga anak ko.’’
“Siguro po kailangan nang matinding dasal sa pagkakataong ito. Wala pong imposible sa dasal, Mam Diana.’’
“Tama ka Jo. Walang imposible sa dasal.”
“Kapag nagkita po kami ni Princess, muli ko siyang tatanungin ukol sa inyo. Uunti-untiin ko siya hanggang sa lumambot ang puso niya.’’
“Salamat Jo. Siyanga pala, ako ang bahalang gumastos sa kasal n’yo. Iyon ang aking maibibigay sa inyo.”
“Salamat po, Mam Diana pero naiayos na po namin ang tungkol dun.”
(Itutuloy)