Maligayang Kapistahan ng Tatlong Hari sa Lahat!
* * *
FLASH Report: Binili ni Arnel Cruz ang lingguhang intelihensiya ni SPD director Chief Supt. Henry Rañola sa halagang P350,000. Dati rati, P280,000 weekly ito subalit P150,000 lang ang nagiging take-home pay ni Rañola dahil ang iba ay panggastos sa operations ng mga tauhan niya o dili kaya’y pang-allowance ng staff n’ya. Teka nga pala, saan naman napupunta ang P1,100 na MOE ng bawa’t pulis sa SPD? Ang gagamitin ni Cruz ay itong si Jake Erinco o Jake Duling at ang magkapatid na Allan at Niño Espeleta na dapat itiniwalag na ng Iglesia ni Kristo.
* * *
Magsasagawa ng courtesy call ang mga opisyales ng PNP kay DILG Sec. Mar Roxas sa Miyerkules. Siyempre, pagkakataon na ito ng mga ranking police officials na magsipsip kay Roxas dahil mahigit 40 opisyales ng PNP ang magreretiro ngayong taon at baka makalimutan sila. Malakas ang paniwala ng mga kosa ko sa Camp Crame na ang lahat nang uupo sa mga directorial staff, at district, regional at provincial directors sa ngayon ay dapat loyal kay Mar na nag-aambisyon na maging presidente sa 2016. Kung di ka pasok sa kuwadra ni Mar, tiyak sa kangkungan ang bagsak mo. Boom Panes! Hehehe! Kawawa rito ang mga opisyales na identified sa kampo ni suspendidong PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima, di ba mga kosa? T’yak ‘yun!
Subalit bago sila magpakita kay Roxas, nakatakdang mag-courtesy call din muna ang mga ranking police officials kay PNP OIC Dep. Dir. Gen. Dindo Espina. ‘Yan ay kung di pa natitigbak si Espina na kaalyado naman ni Purisima. Ang binabantayan ng mga top PNP officials ay kung mag-uusap sina Espina at mistah na si Dep. Dir. Gen. Marcelo Garbo, ang manok ni Roxas na papalit kay Purisima. Ang balitang kumakalat sa Camp Crame ay hindi na rin nag-uusap sina Espina at Garbo. Boom Panes! Hehehe! Nagsisikuhan at nag-eskrimahan din kaya ang dalawang 3-star generals? Anong say n’yo mga kosa?
Sa totoo lang, si Garbo na ang matunog na magiging PNP chief. Maging si Delon Porcalla, reporter ng Philippine STAR sa Malacañang ay si Garbo ang bukambibig na papalit kay Purisima. Subalit, marami sa mga senior at junior officers at PNCOs ng PNP ang ayaw kay Garbo. Boom Panes! At kung magkaroon nga ng election sa hanay ng PNP sa ngayon, baka ilampaso ni Espina si Garbo, anang mga kosa ko sa Camp Crame. Hehehe! Ano ba ‘yan?
Sa pagkakilala ko kasi dito kay Garbo, isa siyang disciplinarian at mukhang ayaw nitong senior at junior officers at PNCOs na madisiplina. Sa ngayon kasi, halos lahat ng programs at projects ni Roxas para sa PNP ay puro nakasentro sa disiplina kaya pumapalag ang marami sa hanay ng pulisya. Kaya si Garbo ang manok ni Roxas dahil alam ng huli na isusulong nito ang mga programs at projects n’ya para mapaganda ang imahe ng PNP, di ba mga kosa? Kaya lang, di pa nakakasiguro si Garbo na siya na ang bagong PNP chief. Hanggang hindi pa nagka-turnover at maupo siya sa puwesto, marami pa siyang dadaanang delubyo o batuhan ng baho na maging dahilan para madiskaril ang kanyang minimithing trono. Kayo mga kosa, sino ang manok n’yo sa pagka-chief PNP? Si Espina o Garbo? Baka sa paglisan ni Pope Francis sa Enero 19 ay may kasagutan na ang tanong na ito. Abangan!