ISANG grupo pala ng Koreano na sangkot sa kaso ng pangingidnap ang kumikilos sa bansa na ngayon ay binabantayan hindi lamang ng PNP kundi maging ng itinatag ng Korean desk.
Mismong ang Korean desk sa bansa ang nagbunyag nito.
Ang grupong ito ay pinamumunuan ng isang Kim Seong Seok na naunang nahuli ng anti-kidnapping group ng PNP na nag-suicide noong 2012.
Si Seok ay may naiwan na mga galamay na siyang nag-ooperate sa bansa.
Ito ay sina Kim Seong Kon na nakakulong sa Bicutan.
Si Kim Won Bin naman ay tumakas mula sa Pilipinas pauwing Korea.
Sa Korea ito nadakip, ibinulgar ni Bin ang kanilang modus.
Ibinunyag din nito ang inilibing nilang dalawang kababayan na sina Hong Seok Dong at Kim Yeong Yeul sa isang subdivision sa Taytay, Rizal noong 2011.
Ang mga biktima ay kanilang kinidnap pero pinatay din dahil hindi nakabayad ng hinihingi nilang 15,000 US dollars.
Nahukay at narekober ang buto ng biktima sa ginawang paghukay kamakailan.
Dahil sa ganitong modus humingi ng tulong ang Korean National Police sa PNP Anti-Kidnapping Group para sa ginawang paghuhukay at dito nakumpirma nga ang aktibidades ng sindikato ng Koreano.
Ito rin ngayon ang siyang tinututukan ng PNP dahil nga sa bansa pa nagsasagawa ng ganitong modus ang grupong ito. Target nila ang maraming Koreano na nagtutungo sa bansa. Mismong kanilang kababayan ang target na kidnapin ng mga ito.
Nakipag-coordinate na rin ang Korean authorities sa PNP para sa ikadarakip pa ng mga natitirang miyembro ng grupo.
Maganda ang koordinasyon ng dalawang police force para tuluyang mabuwag ang sindikatong ito.