Nagmistulang mga Christmas tree ang maraming footbridge sa Metro Manila dahil sa mga nakasabit na paninda.
Matindi ang hinaing ng mga pedestrian na nagsabing wala na silang madaanan dahil sa nagsulputang vendor sa mga footbridge o overpass.
Maging ang mga harang na bakal o bakod ng mga ito, sinabitan na rin ng mga panindang damit, may malalaking tolda at payong na harang o sagabal talaga sa mga dumadaan.
Ang siste, dahil sa masikip na daan sa taas nakikipagsapalaran ngayon sa pagtawid sa ibaba ang marami nating kababayan kahit na nga suungin o makipagpatentero sa mga sasakyan.
Naiintindihan natin na sinasamantala lang ng mga vendor na ito ang pagtitinda sa kasagsagan nang pamimili ng marami dahil sa holiday seasons, pero sana nga ngayong malapit nang magtapos ang taon, eh magkusa na rin silang lisanin ang mga pwesto sa foorbridge.
Ang masaklap nito, komo pinabayaan na sila na kumita at hindi mahirati o mamihasa at pagdating ng Enero baka hindi pa rin alisin ng mga ito ang kanilang paninda.
Tinda na sa itaas, tinda pa sa baba, ang mga pedestrian maghahanap ng kanilang tawiran.
Sana ay mabigyan ito ng kaukulang pansin hindi lang ng MMDA kundi maging ng mga lokal na pamahalaan kung saan ito nasusumpungan.