DAPAT pagharapin ni President Aquino sina PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima at ang mistah nito na si Dep. Dir. Gen. Marcelo Garbo para mag-smoke ng peace pipe. Hindi kasi maganda sa imahe ng PNP ang lumalalang away nina Purisima at Garbo at baka kumalat pati sa supporters nilang police officers. Habang hindi pa nagtatalaga si P-Noy ng acting o permanent PNP chief, nagsisikuhan at nag-eskrimahan ang kampo nina Purisima at Garbo na inaabangan naman ng kani-kanilang supporters sa Camp Crame. Malaki kasi ang paniwala ng kampo ni Purisima na may kinalaman ang kampo ni Garbo sa pagka-suspinde n’ya ng anim na buwan. Si Garbo ang matunog na papalit kay Purisima dahil sa mahigpit na pang-iindorso ng mga padrino n’yang sina DILG Sec. Mar Roxas, Sen. Pres. Franklin Drilon, Rep. Neil Tupaz at Hernani Braganza. Kaya pumapalag naman si Purisima, na bagyo kay P-Noy. Kaya si P-Noy lang ang puwedeng mamagitan para magkabati ang kampo ni Purisima at Garbo, di ba mga kosa? Tumpak!
Na-monitor ng mga kosa ko si Purisima na abala sa pag-iikot nitong Kapaskuhan sa mga Kaklase, Kamag-anak at Kabarilan o KKK ni P-Noy para mag-abot ng regalo. Subalit ang kapalit ng regalo, ayon sa mga kosa ko, ay ang hindi nila pag-endorso kay Garbo bilang kapalit niya bilang PNP chief. Parang puwedeng maging PNP chief ang lahat nang PNP officers puwera lang si Garbo, ‘yan kaya ang ibig sabihin ni Purisima? Boom Panes! Sa pag-suspinde kay Purisima, ang naupong OIC ng PNP ay si Dep. Dir. Gen. Leonardo “Dindo” Espina, ang pinaka-senior sa mga kandidatong nakapila sa pagka-PNP chief. Kung idagdag itong KKK sa sarili mismo ni Purisima, aba bagyo tiyak ang dating nila kay P-Noy at maaring pakikinggan sila, di ba mga kosa? T’yak ‘yun! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Siyempre, ang kampo naman ni Garbo ay hindi rin pahuhuli. Minamatyagan din nila ang mga police officers na sa tingin nila ay tumutulong kay Purisima, anang mga kosa ko. Kapag naupo si Garbo, sigurado akong dadamputin sa kangkungan ang police officers na sinususpetsahan nilang kumakampi kay Purisima. Subalit kung maglalabas ng TRO ang korte sa suspension ni Purisima at makabalik siya sa puwesto n’ya, t’yak may kalalagyan din ang supporters ni Garbo, di ba mga kosa? Pag nagkataon, magiging sarsuwela na ang PNP? At ang away nina Purisima ay karugtong ng sigalot ng Balay at Samar na supporters ni P-Noy sa Palasyo, ayon sa mga kosa ko. Nararapat lang na si P-Noy, ang mamagitan para magkabati sila? Tumpak!
Hindi ko alam kung saan nag-ugat ang away nina Purisima at Garbo. Subalit ang inabot ko, si Purisima ay right-hand man ni retired PNP chief at Zambales Gov. Jun Ebdane samantalang si Garbo ay nasa kuwadra ng nasirang PNP chief Leandro Mendoza. Noon pa man, marami na ang namagitan na magkabati sila subalit nabigo at hanggang sa ngayon ay nag-iiringan pa sila? Ang buong PNP ay nagmamasid kung paano lulutasin ni P-Noy ang away nina Purisima at Garbo, di ba mga kosa? At ang isa sa maaring maging solution ay ang pagkahirang ng acting o permanent PNP chief sa lalong madaling panahon. Abangan!