NOONG nakaraang Lunes, nilagyan na ng mga pulis ng masking tape ang nguso ng kanilang mga baril para raw masiguro na hindi ito mapapaputok. Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na mabisa itong paraan para mapigilan ang pagpapaputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon. Sabi ng PNP, ang sinumang pulis na mapapatunayang nagpaputok ng baril ay mahaharap sa pagkakatalsik sa serbisyo. Hindi raw mangingimi ang PNP na sibakin at kasuhan ang mga lalabag na pulis.
Magandang paraan ang ginagawang paglalagay ng masking tape sa nguso ng baril para hindi ito mapaputok, pero may mas maganda pang paraan para lubusang mapigilan ang mga “trigger happy” sa Bagong Taon. Ito ay ang pagbibigay ng pabuya (reward) sa sinumang magsusumbong sa mga magpapaputok ng baril. Kapag may pabuya – halimbawa’y P100,000 magiging mabilis ang pagresolba sa kaso. Madaling mahuhuli ang trigger happy at tiyak na siya’y mapaparusahan sa kanyang ginawa lalo pa kung nakapatay.
Taun-taon, laging may nabibiktima ng ligaw na bala. Kahit pa paulit-ulit ang banta ng Philippine National Police (PNP) sa mga magpapaputok ng baril, wala ring pagkatakot at nadadagdagan pa ang may “utak-tingga”. Noong nakaraang taon, nireport ng Department of Health (DOH) na 10 ang naitalang tinamaan ng ligaw na bala. Karamihan ay nagsabing sila ay nakatayo sa harap ng kanilang bahay nang tamaan ng bala.
Isa sa pinakamalagim na pangyayari kaugnay sa pagtama ng ligaw na bala habang nagdiriwang ng Bagong Taon ay nangyari noong Disyembre 31, 2012, nang isang 7-taong gulang na batang babae sa Caloocan City ang tinamaan ng ligaw na bala sa ulo. Nanonood ng fireworks display si Stephanie Nicole Ella, Grade 1 pupil sa Tala Elementary School, Caloocan City nang tamaan ng bala. Isinugod sa East Avenue Medical Center sa ospital si Nicole subalit namatay ilang oras makaraan ang bagong taon. Hanggang ngayon, hindi pa nahuhuli ang nakapatay kay Nicole na umano’y isang pulis.
Magbigay ng pabuya sa magsusumbong para madaling madakip. Kapag may pera nang sangkot, tiyak maraming magsusuplong. Iglap lang at lutas ang kaso.