Ngayong holiday seasons hindi lang halos napapansin, pero marami ang nagiging biktima ng modus ng ‘Basag kotse gang’.
Kung gaano ka busy ang marami nating mga kababayan, eh siya ring busy at dami ng mga sasakyan sa mga lansangan.
Ang siste, ito ang gustong-gusto ng grupo ng ‘Basag kotse gang’.
Napakabilis kapag isinagawa ang modus at ang tanging gamit na kailangan eh tubo lamang.
Sa loob ng 15 hanggang 25 segundo, nakakulimbat na ang mga ito.
Kamakalawa lamang, isang babaeng estudyante ang naging biktima nito sa Makati City.
Saglit na saglit lang daw niya na ipinarada ang kanyang sasakyan sa harap ng isang convenience store sa may Chino Roces Avenue sa Brgy. Pio del Pilar sa lungsod nang sa pagbalik niya ay basag na ang salamin sa likuran ng kanyang sasakyan. Wala na rin ang kanyang bag na naglalaman ng pera at mahahalagang gamit.
Ganyan katindi ang grupong ito, mabilis ang pag-atake at pagkana siguradong may dala.
Estilo ng mga ito na mag-iikot sa mga nakaparadang sasakyan. Bago tumira sinisilip muna ang papakinabangan sa loob ng sasakyan at kapag positibo, ayun na hahatawin ng tubo sabay kuha sa pakay.
Ganyan kabilis sa kanilang modus ang grupong ito.
Lalong aktibo ngayon ang mga kawatan dahil alam nila na marami ang iniiwan sa loob ng mga sasakyan. Hindi lang personal na mga gamit kundi maging ang mga pinamili.
Kaya nga ang payo ng mga kinauukulan, huwag bigyang pagkakataon ang mga ito.
Mas makabubuting ’wag mag-iwan ng anumang mahalagang gamit sa loob ng sasakyan na pwedeng pag-interesan ng ganitong mga kawatan.