Tinaningan ni DOJ Secretary Leila de Lima hanggang umano’y bisperas ng Pasko ang mga lider ng 15 grupo ng gang sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) para isuko umano ang kanilang mga kontrabando.
Pero hindi naman malinaw kung ano ang gagawin kung walang maisuko o hindi tumugon ang mga lider hanggang sa deadline na binanggit.
Tanong nga ng mga bilanggo, ano raw ba ang gagawin ni Sec. de Lima.
Hindi naman pwedeng sabihing paghuhulihin at ikukulong sila dahil nakakulong na sila.
At saka, bakit naman kailangang bigyan pa ng deadline ang mga ito na isuko, gayung dapat eh walang naipapasok doon na kontrabando.
Katungkulan ng mga opisyal at tauhan sa naturang bilangguan na hindi ito dapat payagan.Bakit kailangan pang isuko, hindi ba ang dapat ay sapilitang kumpiskahan ang mga ito?
Talagang malakas ang dalang ingay na dulot nang natuklasang magagarbong piitan ng mga high profile inmates sa Bilibid.
Dito makikita ang hindi patas na pagtrato sa mayayaman at mahihirap na preso.
Kung susumahin pera pa rin ang umiikot dito.
Tanong pa rin ng marami may mangyari naman kaya sa mga imbestigasyong na ginagawa dito?
Sinu-sinong ulo ang iikot at dapat na managot?
Iyan ang patuloy na inaantabayan ng marami nating kababayan na sana nga raw ang mangyari ay ang totohanang reporma at hindi pakitang tao lamang.
(End)