ISANG pag-aaral na isinagawa sa kagubatan ng Amazon sa South America ang humantong sa pagkakadiskubre ng isang kakaibang klase ng fungi na kumakain ng plastic. Ang kakaibang kakayahan nito ang nagtulak sa mga eksperto upang sabihin na ang bagong tuklas na fungi ang magiging solusyon sa problema sa basura na kinakaharap ng halos lahat ng bansa sa mundo.
Natuklasan ang fungi noong 2012 nang magtungo ang isang grupo ng mga researcher mula sa Yale University sa Amazon rainforest upang maghanap ng mga kakaibang maliliit na organismo. Sa paghahanap na iyon nila natuklasan ang fungus na pestalotiopsis microspora na nabubuhay sa pagkain ng polyutherane.
Ang polyutherane ang pangunahing kemikal na ginagamit sa paggawa ng halos lahat ng bagay na gawa sa plastic. Malaking perwisyo para sa kalikasan ang mga bagay na gawa sa polyutherane dahil maraming henerasyon ang inaabot bago ito mabulok sa mga landfill na pinagtatambakan ng mga ito.
Kaya naman magiging malaking tulong ang bagong tuklas na fungi sa pagtunaw ng mga basurang gawa sa plastic na umaabot sa ilandaang milyong tonelada ang bigat taun-taon sa buong daigdig.
Pinag-aaralan na ngayon ng mga nakatuklas ng fungi kung paano ito mapaparami sa loob ng isang laboratoryo at ang mga praktikal na paraan ng paggamit nito upang matunaw ang mga basurang gawa sa plastic na mga nakatambak sa landfill o kaya’y lumulutang sa karagatan.