GUSTO mong mauna sa pila kaya gagawin mo lahat ng paraan. Dahil sa iyong panggugulang baka malagay ka lamang sa hulihan. “Sabi niya kailangan maglagay. Nagbigay ako. Talagang gustong-gusto ko nang makapagtrabaho kaya sunud-sunuran ako sa sasabihin niya,” pahayag ni Myland.
Dati nang ‘seaman’ si Myland Fagaragan, 35 taong gulang, nakatira sa Quezon City. Nang huli siyang sumampa ng barko ay nagkaaksidente siya kaya napauwi kaagad ng Pinas. Sa kagustuhan niyang matulungan ang kanyang asawa at pamilya sa probinsiya nagplano siyang umalis ulit ng bansa. Hindi sapat sa kanilang pangangailangan ang pagtatraysikel niya. May nagagamit man sila sa pang araw-araw na gastusin hindi naman siya makapag-abot sa mga magulang. “Mula nung nag-aaral pa ako nagtatraysikel na ako para may pambaon hanggang kolehiyo. Sayang naman ang pinaghirapan ko kung hindi ako makakasampa ulit,” pahayag ni Myland. Kwento niya sa amin huling sampa niya ng barko nung 2007 bilang isang ‘reliever’. Tagatiktik siya ng kalawang ng barko at taga hulog ng arko kapag dumadaong. “Sa China kami nun. Maayos naman nung una pero nang may makabanggan kaming intsik dun sa tinutuluyan naming hotel napauwi ako kaagad,” pahayag ni Myland. Nagsimula daw yun nung may kasamahan siyang Pinoy na ang kursunadang babae ay nagugustuhan din ng isang intsik. Nagkatinginan ng masama ang dalawang grupo. Ilang sandali hinabol sila ng grupo nito. Nakaakyat na sana si Myland sa kanilang kwarto ngunit inisip niya ang kasamahan kaya siya bumaba ulit ng hotel.
“Pagdating ko sa ibaba nandun pa ang mga intsik. Sumakay kami ng elevator tapos naglabas ng balisong yung isang intsik. Pilit namin silang hinaharangan. Natamaan ako sa kamay, naputol ang litid,” salaysay ni Myland. Mula nang mangyari ang insidenteng yun ay inisip ni Myland na madalas siyang minamalas. Ilang taon ang nakalipas may nakilala si Myland na ahente na si Rachel Pecson sa pamamagitan ng kanyang pinsan na si Allan. Ayon dito kailangan nilang maglagay para mas mapabilis ang magiging proseso ng muli niyang pagsampa. “Kompleto na naman ako sa dokumento. Sinunod niya lahat ng sabihin sa kanya makaalis lang agad,” salaysay ni Myland. Nagbayad si Myland kay Rachel ng Php250 pang medical, anim na libo para iba pang dokumento. Sumunod nagkita naman sila sa SM Manila at nagbayad ng Php5,000 para sa tatak ng Seaman’s book at Certificate of Competency (COC).
Ilang araw pa ang nakalipas hiningian pa siya ng dagdag na limang libo para mas mapabilis daw ang pagpoproseso ng kanyang mga dokumento. Paliwanag sa kanya lagay daw yun para hindi na siya sumampa ng isang linggo sa barko bilang training. “Pinakahuling binayaran ko ang Php60,000 pesos. Lagay din daw yun sabi niya. Hindi ko naman alam kung sino ang kausap niya tungkol sa pag-aapply ko. Hiniram ko pa yun sa kapatid ko,” pahayag ni Myland. Ang pakilala daw ni Rachel sa kanya ay taga-Cavite. Minsan naman silang nagkita sa ilang bangko sa Sta. Cruz. Anim na buwan nang naghihintay si Myland ngunit wala pa ring nangyayari. Sinubukan niya nang kunin ang kanyang ibinayad ngunit giit sa kanya ni Rachel tiis-tiis lang daw at makakaalis din siya. Nang nawalan na ng pag-asa si Myland kinausap niya ito at sinabing babawiin na lamang ang kanyang mga ibinayad.
“May nakakausap din akong si Anna Marie Torres kontak niya sa ahensiyang Transtar pero lumipat na sa ibang ahensiya. Puro antay-antay ang sinasabi nila sa akin. Pinagpasa-pasahan na nila ako kung sino ang dapat kakausapin,” kwento ni Myland. Pebrero 2014 nang magtext sa kanya si Rachel na puntahan niya daw si Anna Marie. Nang kausapin niya ito pinapag-report na naman siya.
Pinapipirma din siya ng ‘appointment slip’ na ipapasa sa employer. “Paulit-ulit lang sila. Gusto ko na lang makuha ang pera ko,” pahayag ni Myland.
Wala din daw ipinapakitang dokumento sina Rachel na maaari siyang makasampa ulit ng barko. Ang kabuuang halagang binabawi ni Myland kina Rachel ay Php79,000. Kasama na dito ang mga training na non-appearance daw. Ito ang dahilan ng paglapit sa amin ni Myland.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Myland.
PARA SA ISANG patas na pamamahayag tinawagan namin ang numero ni Rachel at Anna Marie ngunit hindi sumasagot sa aming tawag ang mga ito.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang paghahangad ng mabuti sa pamilya kadalasan kahit hindi tama ang proseso kumakagat na tayo.
Ganito ang nangyari kay Myland. Kahit paglalagay pinatulan na niya. Kumpleto ka naman sa dokumento, sana’y hindi ka nagpabulag sa mga sinasabi nito na ika’y makakaalis kaagad. Sa puntong ito maaari mong kasuhan ng ‘Estafa’ si Rachel dahil kung totoo ang lahat ng ikinuwento mo sa amin malinaw na may panlilinlang at panloloko sa pagitan ninyo. Nangako siyang aayusin ang mga dokumento mo ngunit hindi niya naman ito nagawa. Kinuha niya pera mo subalit hindi naman nagawa ang pinangako niya at nadispalko ito. Maging aral na rin sana sa iyo ito Myland at sa iba pa nating kababayan na pumapayag sa ganitong sistema. Kapag hinayaan mo ang mga taong tulad ni Rachel sa kanilang mga ginagawa ay mas marami pa silang maloloko at makukuhanan ng pera. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.