SA mga babaing mahilig makipag-chat o maghanap ng boyfriend sa internet, para sa inyo ang All Points Bulletin (APB)na ito.
Bagamat uso nang paraan ng komunikasyon ang mga social networking site, hindi garantiyang matino ang lahat ng mga nakakausap ninyo.
Kaya naman patuloy na binabalaan ng BITAG ang publiko, huwag agad magtitiwala at magpapaniwala. Dahil kahit sinong talpulano, pwedeng maging personalidad depende sa kaniyang tipo, kausap at hinahanap na bibiktimahin.
Baka kasi madala kayo sa kanilang mga mabulaklak na panliligaw at pangako. At palibhasa’y salat sa kaalaman sa mga modus, sa bandang huli baka mabiktima lang kayo at iwanang luhaan.
Tulad ng nangyari kay “Rose.” Lumapit sa aming mga ‘tol sa T3 nitong mga nakaraang araw. Ang kaniyang nirereklamo, boyfriend na nakilala niya sa FaceBook.
Mahigit isang taon din daw muna silang magka-chat bago ito nauwi sa personal nilang pagkikita. Palibhasa’y probinsyana, madaling napaniwala ng lalaki si Rose na hanggang ngayon hindi pa rin mawala ang trauma sa ginawa ng lalaking nakarelasyon.
Ang dahilan, ipinakalat ng boyfriend ang mga hubad nilang larawan sa FaceBook. Ganti daw ito ng lalaki nang gusto ng makipaghiwalay ni Rose subalit ayaw nitong pumayag.
Ang punto dito, huwag agad magtitiwala sa mga nakakausap ninyo sa likod ng mga social networking site. Paulit-ulit na ang babala ng mga awtoridad at media hinggil dito pero marami pa rin ang mga naloloko.
Magsilbi nawang babala ang nangyari kay Rose. Kaya sa mga mahihilig mag-chat, ngayon alam ninyo na. Huwag intindihin ang mga estrangherong pilit kinukuha ang loob ninyo at makikipag-kaibigan kuno. Dahil sa internet laging bida ang sinungaling.
Mag-ingat, mag-ingat!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.