‘Pinalulutang ng pilit’
KALIWAAN kadalasan ang maririnig mo sa naniniguro sa binibili mula sa taong hindi nila kilala. “Kailangang iharap daw muna namin ang ahente bago makuha ang kailangan namin. Hindi ko naman alam san pupuntahan yung tao,” pahayag ni Rosemarie.
Ilang linggo nang pabalik-balik sa opisina ng Rochart Global Resources Center sina Rosemarie Casimiro, 37 taong gulang at si Nady Talavera-65 para makuha ang pasaporte. Ayon sa kanilang nakausap doon na si “Lanie” kung hindi daw nila maiharap sa ahensiya ang hinahanap na tao hindi nila ito makukuha. Kwento sa amin ni Rosemarie buwan ng Agosto 2014 nang may mapadpad na ahente ng Rochart sa kanilang bahay. Isang nagngangalang Sharon ang kanyang nakausap. “Wala daw akong babayaran. Domestic Helper (DH) sa Saudi ang magiging trabaho ko. Dati na akong OFW pero paso na ang pasaporte ko,” wika ni Rosemarie. Ayon sa kanyang nakausap sila na daw ang bahalang mag-renew nito. Kinuha nito ang ilang impormasyon tungkol sa kanya at siniguradong wala siyang babayaran. Ilang araw ang nakalipas nagpunta sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) at may nakausap siyang nagtatrabaho sa Rochart na si Lerma. Pumirma din si Rosemarie na sa Rochart ipapadala ang pasaporte. Nang tinatawagan na siya ng mga ito para pumirma ng waiver na ginagastusan siya ng ahensiya hindi siya pumirma. “Nakausap ko naman si Boni Villanueva sa telepono, yung nasa Rochart. Pinilit niya akong pumirma. Sabi pa niya kung hindi ko daw ba naiintindihan na sila ang gumastos sa akin,” salaysay ni Rosemarie. Nagmatigas si Rosemarie, sinabihan siya ni Boni na maghintay-hintay lang at hinahanapan siya ng employer. Nang may nakita na daw ito kailangan daw muna niyang sumailalim sa ‘medical examination’.
“Hindi ako nagpamedical. Nung nagfollow up ako sabi hahanapan daw ako ng bagong employer. Nang matagal na akong naghihintay naisip ko na lang kunin ang pasaporte ko dahil hindi nila ako mapaalis,” wika ni Rosemarie. Ilang buwan ulit siyang naghintay sa ahensiya ngunit sabi ng kanyang nakausap doon na kay Boni daw ang kanyang pasaporte. Nitong huli nadiskubre nilang nasa Rochart na pala ito. Tulad ng problema ni Rosemarie hindi din makuha ni Nady ang pasaporte ng kanyang anak na si Ginalyn. Apat ang anak ni Gina kaya naisipan nitong magtrabaho ulit sa ibang bansa. Hulyo 2014 nang makilala niya ang ahenteng si Boni Villanueva. “Pareho kaming taga Taytay. Inaya niyang mangibang bansa ang anak ko. Sabi niya wala daw siyang gagastusin pati sa pagpapa-renew ng pasaporte sila na ang bahala,” ayon kay Nady. Dati na din daw nagtrabaho sa Singapore si Gina bilang waitress ngunit hirap na hirap siya sa trabaho kaya napagpasyahan niyang umuwi. Agosto nang ibigay nila kay Boni ang pasaporte at sila na ang naglakad ng pagpaparenew nito. “Yung kapatid niya sinabihan siyang huwag pupunta sa Gitnang Silangan baka mahirapan siya. Namamaltrato daw ang iba nating kababayan dun,” kwento ni Nady. Dalawa din sa anak niya ay OFW kaya pinagsasabihan nila ito. Kung noong magpunta si Ginalyn sa Singapore ay muntik na itong maipasok sa isang club. Mabuti at may Koreano ang tumulong sa kanya. Nung ayusin ng ahensiya ang kanyang pasaporte may pinapirmahan itong dokumento sa kanya na may bayarin siyang Php 1, 350. Pangako sa kanya makakapagtrabaho siya kaagad. “May manugang ako na nasa Qatar. Sabi niya kung gusto ni Ginalyn dun na lang siya. Nagpasya kami na kunin na ang pasaporte at bayaran na lang ang dapat bayaran sa kanila,” pahayag ni Nady. Setyembre 2014 nang magtungo sila sa opisina ng Rochart. Ayon sa kanilang nakausap doon wala na daw si Boni. Pati pamilya nito ay pinuntahan nila para lang makuha ang pasaporte. Nagbigay ng numero ang ina nito ngunit hindi naman makontak. Mula nun bumalik-balik na sila sa Rochart. Hindi daw maiibigay sa kanila ang pasaporte hangga’t wala si Boni. Kahit bayaran daw nila ang pagrerenew ng mga ito ay hindi nila ito makukuha. “Sabado lang daw sila nagrerelease ng pasaporte. Bumalik kami dun pero giit nila hindi daw pwede dahil wala si Boni. Iharap daw muna namin siya,” wika ni Nady. Napag-alaman nilang may atraso daw sa mga ito si Boni at sila ang ginagamit na paraan para ito’y mapalutang. Giit nina Nady at Rosemarie bakit sila ang paghahanapin dito gayung hindi naman nila alam kung nasaan ito ngayon. Ito ang dahilan ng paglapit nila sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito nina Rosemarie at Nady. Kinapanayam namin si Assec. Wilfredo Santos ng DFA Consular Affairs upang ilapit ang problemang ito. Susulatan daw nila ang ahensiya upang makuha ang pasaporte dahil ito’y pag-aari ng gobyerno at hindi maaaring panghawakan ng iba.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kaya pinapakawalan nila ang kanilang ahente para magbahay-bahay ay dahil wala gaanong nag-aapply sa kanila para magtrabaho sa ibang bansa. Bawat mare-recruit ng mga ito ay makakakuha sila ng porsiyento. Ngayong nagkaroon ng advances itong si Boni, kung totoo man ito sina Nady at Rosemarie ang kinakasangkapan ng ahensiya para ito’y mapalutang. Hindi tamang ipitin nila ang pasaporte ng mga taong ito sapagkat ito’y pag-aari ng gobyerno. Nang ilapit namin kay Asec. Santos ang problemang ito agad kumilos ang DFA para mabawi ang mga pasaporte. Kinausap nila ang ahensiya. Matapos ng pakikipagpanayam ng DFA sa ahensiya ay pinapunta na sina Nady sa opisina ng Rochart. “Marami pong salamat at nakuha na ang pasaporte ng anak ko. Mabibigyan na siya ng pagkakataon na makapagtrabaho sa iba kasama ang manugang ko. Hindi na din po kami pinagbayad,” wika ni Nady. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest