Bata sa China, 13 taon nang katabi sa pagtulog ang higanteng sawa
TRESE anyos at nagbibinata na si Azhe Liu ng Dongguan, China at ganundin kahabang panahon niya katabi sa pagtulog ang isang higanteng sawa. Dahil sa kagila-gilalas na ginagawa ni Azhe, balitang-balita ang kanilang pamilya sa nasabing lungsod. Maraming nagtataka kung paano nakakatulog nang mahimbing si Azhe na katabi ang sawa.
Ilang buwan pa lamang naipapanganak si Azhe ay katabi na niya sa kama ang alagang Burmese python ng pamilya. Ngayong nagbibinata na si Azhe ay katabi pa rin niya sa pagtulog ang sawa, na ngayon ay 15-talampakan na ang haba at umabot na sa 220 pounds ang timbang.
Anim na taon nang alaga ng pamilya ni Azhe ang Burmese python noong siya ay ipinanganak. Naisipan ng ama ni Azhe na sanayin ang sawa sa piling ng kanyang anak kaya pinabayaan niya itong makisalamuha sa bagong panganak na si Azhe.
Simula noon ay hindi na mapaghiwalay ang dalawa. Lagi nang magkatabi matulog ang dalawa at hindi na rin nagdadalawang isip ang mga magulang ni Azhe na iwanan ang kanilang anak kasama ang higanteng sawa tuwing aalis sila para magtrabaho. Kapag mainit, ginagawa pa ngang unan ni Azhe ang sawa upang magpalamig.
Dahil sa kanyang karanasan na mamuhay kasama ang isang sawa ay pangarap na ni Azhe na maging isang zoologist paglaki upang lagi siyang may pagkakataon na makisalamuha ang iba’t ibang hayop.
- Latest