Manong Wen (127)

KAHIT na nakadapa na ang lalaking bantay ay inuupakan pa ng palo ni Princess. Sinisiguradong hindi na makakalakad at makakalaban.

“Akala mo pokpok ako ha! Pukpok ang inabot mo!”

Nang inaakalang tulog na at mahirap nang makagulapay ang lalaki, mabilis niyang tinungo ang nakasaradong pinto at pinagpatuloy ang pagbubukas. Palagay niya bukas na iyon sapagkat naglaglagan kanina ang mga mekanismo. Bigla niyang pinihit ang seradura. Ubos-lakas. Klik! Klik! Hanggang sa maitulak niya. Bukas na ang pinto!

Sa pagbukas niya, naka­tingin sa kanya ang mga dalagita. Pawang nabigla. Walang makapagsalita. Ang ibang umiiyak ay tumigil.

“Ako si Princess. Narito ako para iligtas kayo. Itatakas ko kayo!”

Sa sinabing iyon ni Princess ay nagkaroon ng sigla ang mga mata ng dalagita. Nabuhayan ng pag-asa.

“Tawagin n’yo akong Ate Princess. Halikayo at tatakas na tayo. Sa sekretong tunnel tayo lalabas. Huwag lang kayong gagawa ng ingay para hindi tayo ma-detect.’’

“Opo Ate Princess. Sa­lamat po sa’yo!”

“Huwag muna kayong magpasalamat. Sige magsipaghanda kayo. Tatakas na tayo. Bilis!’’

Eksaktong nakalabas lahat sa kuwarto, nakarinig sila ng mga yabag na paparating. Malakas ang ingay, nagmamadali. Malapit na sa kanila.

“Dali, bilisan n’yo. Baka nalaman na ang gagawin nating pagtakas. Sumunod kayo sa akin. Kailangang makalabas tayo rito! Kapag nahuli nila tayo tiyak pa­patayin tayo!”

Umakyat sila sa hagdan.

(Itutuloy)

Show comments