Lalaki sa Colombia, nagpakasal sa punongkahoy

ISANG lalaki sa Colombia ang nagpakasal sa isang puno bilang pagpapatunay ng kanyang pagmamahal sa kalikasan.

Pinakasalan ni Richard Torres ang isang puno sa National Park sa siyudad ng Bogota kamakailan.

Animo’y tunay na kasalan ang nangyari dahil pumunta si Torres sa lugar ng kasalan na nakapormang pangkasal sa kanyang suot na kulay puting coat at tie samantalang may puting tela at ribbon naman na nakapulupot sa kanyang mapapangasawang puno na pinangalanan ni Torres na “Aliehuen Nehuen.” Hinalikan niya ang puno pagkatapos ang seremonya.

Ayon kay Torres, bukod sa kanyang pagmamahal sa kalikasan ay ginawa rin niya ang pagpapakasal sa puno upang mabigyang pansin ang kanyang adhikain na maprotektahan ang kalikasan sa Colombia. Ginawa niya rin daw ito upang magkaroon ng kaalaman ang mga tao sa mga pinsala sa kalikasan na dulot ng tao.

Kilala na si Torres sa Latin America dahil sa kanyang mga gawain upang maprotektahan ang kalikasan. Noong 2012, nakulong siya dahil sa ginawa niyang pagra-rally ng hubad upang mapigilan ang pagpuputol ng mga puno sa isang parke sa Peru. Hindi rin ito ang unang beses na nagpakasal si Torres sa isang puno dahil noon lamang isang taon ay naging tampok na rin siya ng mga balita dahil sa pagpapa­kasal niya sa isang puno sa Peru.

Show comments