‘Nag-aabogado’

DAPAT arukin ni Justice Sec. Leila de Lima ang pakikialam ni NBI SI lll Robert Joey Ajero sa kaso ng drug pusher na si Rasmia Adzal alyas Sheila Adam Somar. Si Ajero kasi mga kosa ay palaging uma-attend ng hearing ng kaso ni Adzal kaya nagsususpetsa ang mga taga-PNP na nag-aabogado siya para sa drug pusher. Ang pakikialam ni Ajero ay alinsunod sa  kumakalat na balita na ang drug syndicate na kinasangkutan ni Adzal ay naglagak ng P10 milyon budget para malusaw ang kaso nito. Hehehe! Di ko sinasabi na bayad si Ajero sa ginagawa n’ya, ha mga kosa? ’Wag magbintang dahil wala namang kongkretong ebidensiya. Sinabi naman ni Sr. Supt. Ronald Lee, ng Task Force Tugis na dalawang beses na nai-schedule ang preliminary investigation ng kaso sa prosecutor’s office ng Maynila subalit palaging nauudlot ito. Magkano kaya… este bakit kaya? Boom Panes! Hehehe! Si Sec. De Lima lang ang makapagbibigay linaw sa kaso na ito ni Adzal, di ba mga kosa? T’yak ’yun!

Si Adzal ay naaresto ng Task Force Tugis at Task Force Limbas ng HPG sa Malate, Maynila sa pag-iingat ng tatlong kilo ng shabu noong Oct. 15. Sa pagsusuri ni Chief Insp. Sandra Decena, ng Crime Laboratory ng PNP, ang mga sample ay positibo ng shabu. Kaya naman­ nasita ng PNP si Adzal ay dahil sa ang kotseng kinalululanan n’ya  na Toyota Vios na ang plakang RCC 796 ay naisyu sa Mistubishi Delica van model 1994. At nang ibaba ni Adzal ang bintana ng kotse, nakita ng mga police operatives ang isang dark blue na Nike travelling bag na naglalaman ng shabu. Hehehe! Huli sa akto si Adzal, ’di ba mga kosa? Boom Panes!

Subalit ang depensa naman ni Adzal, ang nakumpiskang shabu ay hindi sa kanya kundi ‘planted’ lang. Sa katunayan, ani Adzal, kinidnap siya ng armadong kalalakihan sa araw na ’yaon, piniringan at nang matanggal ang piring niya ay inaaresto na siya ng pulisya. Hehehe! Wow Panes! At dito pumasok si Ajero. Ayon ke Ajero, nag-imbestiga siya sa kaso bunga sa complaint ng kamag-anak ni Adzal na kidnapping at robbery-extortion. Nagsadya si Ajero sa Lucky Chinatown Mall sa Binondo kung saan nakakuha siya ng kopya ng CCTV kung saan nakita ang Task Force Tugis agents na sakay sa isang Toyota Fortuner at Alabaster Silver Honda City. Isa sa mga ahente ng “Tugis” ay si Fernando Cantillas. Sa 12 oras umano na nasa custody siya ng kanyang mga kidnaper, hindi na abot ni Adzal kung paano napunta ang tatlong kilo ng shabu sa kotseng kinalululanan n’ya. Hehehe! Biglang nagka-Alzheimer si Adzal ah!

Sa totoo lang Sec. De Lima Ma’m, nagsumite si Ajero ng 2 pahinang affidavit tungkol sa imbestigasyon n’ya sa kaso ni Adzal kaya naakusahan siya na nag-aabogado sa akusado. Si Ajero pala ay naka-assign sa AOTCD-death investigation unit at maliwanag naman na walang namatay sa kaso ni Adzal. At ayon kay Lee, karapatan ni Ajero na imbestigahan ang kaso ni Adzal. Subalit sana ani Lee, nagsampa na lang siya ng kaso laban sa mga bata niya kung sa tingin n’ya ay may sapat siyang ebidensiya at hindi ’yaong “nag-aabogado” siya para kay Adzal. Tumpak! Abangan!

Show comments