SA unang tingin ay pangkaraniwan lang na bata si Aryan Parab. Pumapasok siya sa eskuwela at mahilig siyang maglaro ng football kasama ang kanyang mga kaklase. Ngunit pagdating sa mga tanong ukol sa mga petsa sa kalendaryo ay lalabas ang kakaibang galing ng 8-anyos na bata mula sa Mumbai, India.
Kaya kasi ni Aryan na sabihin kung anong araw papatak ang kahit anong petsa hanggang taon 2068. Napakabilis din niyang nasasabi ito kaya sa halip na tumingin sa kalendaryo o gamitin ang kanilang mga smartphone upang malaman kung anong araw ang isang petsa ay tinatanong na lamang siya ng kanyang mga kaibigan at kapamilya.
Natuklasan ni Aryan ang kanyang kakayahan nang minsang isipin niya kung anong magiging araw ang kanyang birthday at ang birthday ng kanyang mga kaibigan noong taon na iyon. Noon niya nalaman na may kakaiba siyang kakayahan pagdating sa pagkalkula ng kung anong araw papatak ang kahit anong petsa sa kalendaryo.
Natuklasan din ni Aryan na umuulit ang bawat kalendaryo tuwing 11 taon kaya marahil ay 11 kalendaryo siyang sinaulado. Dahil sa kaalamang ito ay nagawa niyang kabisaduhin sa kung anong araw papatak ang bawat petsa hanggang taong 2068.
Nagiging kilala na si Aryan dahil sa kanyang pambihirang galing at dahil dito regular na niyang ipinapamalas sa publiko ang kakayahan bilang ‘human calendar.’