“BAKIT anong nangyari kay Precious?” tanong ni Jo.
“May ipinagtapat sa akin si Precious. Maaaring makatulong sa atin para madaling mahuli si Chester.’’
“Anong sabi ni Precious?”
“Halika sa kuwarto. Nakarekober na siya. Gusto na niyang magsalita nang mga nangyari nung kidnapin siya.’’
“Mabuti naman.”
Tinungo nila ang silid na kinaroroonan ni Precious.
“Precious, ikuwento mo ang mga nangyari. Ano ang mga narinig mo sa dalawang kidnaper? Paano ka ba kinidnap?”
“Naglalakad ako kasama ang isang kaklase nang biglang isang van ang biglang tumigil sa tagiliran namin. Biglang bumukas ang pinto at bigla akong hinaltak sa loob. Ang balak, pati ang classmate ko ay tatangayin din pero mabilis itong nakatakbo sa damuhan kaya hindi natangay. Mabilis na pinatakbo ang van sa highway.
“Narinig ko, dadaan pa sila sa isang school at ang makikitang dalagita na naglalakad ay tatangayin. Pero nagbago ang isip nang mga kidnaper nang makita ang police car. Hindi na itinuloy ang balak.’’
“Bakit hindi ka nagsisigaw?” tanong ni Princess.
“Nilagyan ng tape ang bibig ko. Naalis ko lang iyon nung nasa highway na.’’
“Saan ka raw dadalhin ng dalawang kidnaper?”
“Dito sa Maynila. Dun sa Bustillos na malapit sa isang bus station at simbahan. Dun daw ang hideout ng boss nilang si Chester.’’
“Bakit daw mga dalagita ang kinikidnap, Precious?”
“Iyon daw ang gusto ng mga foreigner. Mga Chinese at Japanese daw ang customer.”
“Marami na raw kinidnap?”
“Oo. Pawang nasa Bustillos daw. Si Chester daw ang nagdideliber kapag nag-order ang foreigner.”
“Hayop pala talaga.”
“Pero mga armado raw ang tauhan ni Chester. Pawang nakasumbrero na tulad kay Palos.’’
Nag-isip si Princess at Jo.
“Kaya pala yung nakita nating lalaki ay nakasumbrero. ’Yun pala ang palatandaan.’’
Marami pang ikinuwento si Precious sa sindikato.
(Itutuloy)