Prutas na lasang tsokolate, mainam para sa mga nagdidiyeta
ISANG prutas na karaniwang tumutubo sa South America ang nabibigyang pansin ngayon dahil sa kakaibang lasa nito. Bukod kasi sa mabuti sa katawan dahil sagana sa bitamina ay masarap din ang lasa na inihahalintulad sa tsokolate.
Ang prutas ay tinatawag na Black Sapote. Perpekto raw ang Black Sapote para sa mga nagdi-diyeta. Hindi na kailangang ma-guilty ang mga kumakain nito dahil mababa ang fat na taglay ng nasabing prutas. Sinasabi rin na apat na beses na mas sagana ang Black Sapote sa Vitamin C kaysa oranges kaya mainam ang pagkain nito sa pagpapalakas ng katawan laban sa mga sakit.
Bukod sa South America, matatagpuan rin ang Black Sapote sa Mexico, Australia, at maging sa Pilipinas. Sinasabing ang mga Espanyol ang nagdala ng Black Sapote dito sa Pilipinas. Kamag-anak ng persimon ang Black Sapote pero sa halip na pula ay kulay tsokolate ang loob nito.
Maaaring kainin ang Black Sapote ng hilaw ngunit marami rin ang gumagamit nito bilang sangkap sa paggawa ng mga panghimagas tulad ng cake, pudding, at marami pang iba.
- Latest