ANO kaya at hindi nadiskubre ang shabu at marijuana sa locker ng ilang pulis sa Manila Police District? Maaaring ni-recycle na ang mga iyon o kaya ay sininghot o hinithit na ng mga “pulis-durog”. Dahil sa pagkadiskubre sa mga droga, nagpasya ang MPD chief na isailalim sa drug test ang lahat ng mga pulis sa nasabing police district. Bukod sa shabu at marijuana, nakakuha rin ng mga bungkos ng mga pera at drug paraphernalia at ilang gamit sa pagsinghot ng shabu.
Nadiskubre ang mga nakatagong shabu at marijuana sa tanggapan ng District Anti-Illegal Drugs (DAID). Ipinag-utos ni MPD District Director Senior Supt. Rolando Nana na baklasin ang mga locker ng DAID operatives noong Sabado at natambad ang ilang kilong shabu at marijuana. Inaresto ang 14 na operatiba ng DAID kasama ang kanilang hepe. Sinampahan sila nang paglabag sa Republic Act 9185 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Sabi ni Nana, agad siyang nakipag-ugnayan sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame para sa drug test ng mga pulis sa MPD. Sa pamamagitan daw ng drug test ay malalaman kung sino sa mga pulis ang gumagamit ng droga. Pero bago raw isailalim sa droga ang mga pulis, magkakaroon din daw sila ng background check sa mga miyembro ng MPD.
Maganda ang balak ng MPD sa kanilang miyembro. Pero sana, hindi muna inihayag ang drug test at sinorpresa ang mga pulis para wala silang kawala. Gayahin din naman sana ng iba pang police districts ang gagawing drug test ng MPD para masiguro na walang mga adik na pulis. Masyado nang naghahatid ng takot ang ilang pulis ngayon na sumisira sa imahe ng PNP. Bagsak na bagsak ang PNP at ngayo’y sangkot naman sa illegal na droga.