Moratorium sa road projects, kailangan na
KAILANGAN na nga yata na agad magpatupad ng moratorium sa mga road projects o mga paghuhukay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)dahil sa mas lalong pagtindi ng trapik ngayong malapit na ang holiday seasons.
Eh ngayon pa lamang, grabeng pagsisikip na naman sa lansangan ang nararanasan, walang masulingan ang mga motorista na mga lusutan para makaiwas sa matindi at buhul-buhol na trapik sa mga pangunahing lansangan.
Mas titindi pa ito pagpasok ng buwan ng Disyembre kung saan nand’yan na ang holiday rush.
Bukod sa hindi maayus-ayos na pagmentina sa trapik, dumagdag pa nang matindi ang sabay-sabay na road repair at mga hukay-hukay na hindi matapus-tapos.
Kalbaryo ang nararanasang trapik sa buong Metro Manila, at inaasahan pa ngang mas lalala sa susunod na buwan.
Ito ang kakaharapin ng mga motorista kaya kailangan na nga na maipatigil muna ang mga gawaing ito hanggang sa matapos ang holiday seasons.
Ang siste kasi, sabay-sabay naman yata nilang inaprubahan ang mga hukay, kaya walang magamit na alternate route ang mga motorista na naiipit sa trapik.
Kabi-kabila ang mga ginagawa sa kalye ng iba’t ibang kontraktor, marami pa ang balasubas na ang mga gamit eh ikinakalat sa buong kalsada kaya lalong walang madaanan ang mga motorista.
Hindi na tumino ang trapik at lalo pang lumalala, kahit anong gawin, iyon at yon pa rin ang suliranin.
Ilang palit na ng traffic czar. Pero walang nagtagumpay na mapagaan man lang ang trapik na nararanasan.
Kaya nga kahit sabihin pang delikado ang lagay ng mass transport partikular ang MRT, eh doon pa rin nagtitiyagang sumakay ang marami nating kababayan.
Kahit siksikan at magkapalitan ng mukha, ok lang makaiwas lang sa dusa ng trapik sa lansangan.
- Latest