Manong Wen (108)

NALAMPASAN nina Jo at Princess ang van na sinasakyan ni Precious. Walang kamalay-malay ang mga kumidnap kay Precious na nasundan na sila.

“Hindi kaya nakahalata ang mga kidnaper, Jo?’’ ta­nong ni Princess. Mahigpit  pa rin ang pagkakahawak niya sa baywang ni Jo. Ma-bilis pa rin ang pagpapatakbo ni Jo sa motor.

“Hindi! Parang relaks na relaks pa nga sila dahil mabagal lang ang takbo.’’

‘‘Paano ang gagawin natin, Jo?’’

‘‘Pagdating natin sa liblib na lugar nitong highway at sa dakong zigzag, bababa tayo at lalagyan natin ng harang ang kalsada. Tiyak na titigil sila. Bababa ang drayber para alisin ang mga bato. Pagbumaba ang drayber, susunggaban ko at pipilitin kong maitumba at saka gagapusin. Bahala ka naman sa ikalawang lalaki kapag sumugod. Gagamit ka ng arnis para matalo ang lalaki. Bibi-lisan mo lang ang pagpalo.’’

“Pero wala naman akong arnis. Di ba hindi mo naman pinadala.’’

“Ako ang bahala. Madali lang magkaroon ng arnis.’’

“Saan ka kukuha ng ipanggagapos sa lalaking makakalaban mo?’’

“Mayroon akong ekstrang tali ng sapatos sa bulsa ng jacket ko. Hindi ko ito inaalis sa jacket ko dahil maaaring kailanganin.’’

Napahigpit pa lalo ang kapit ni Princess sa baywang ni Jo. Hangang-hanga siya kay Jo. Maparaan ito. Laging handa.

Nang sumapit sila sa liblib na lugar ng highway, itinigil ni Jo ang motor at pinababa si Princess. Dinala niya ang motor sa ilalim ng malagong damo sa gilid ng highway.

“Dali Princess, tulungan mo akong lagyan ng bato at sanga ang kalsada.

Kumuha sila ng mga bato at sanga ng kahoy at nilagay sa kalsada. Nang malagyan nang harang, mabilis na naghanap ng dalawang piraso ng kahoy si Jo.

Tamang-tama na dalawang tuwid na sanga ng madre kakaw ang nakuha niya. Halos magkasinglaki at magkasinghaba ang mga iyon. Tamang-tama pamalo. Matigas at magandang kahoy ang madre kakaw.

Ibinigay niya kay Princess.

“Sure dapat ang hataw mo sa makakalaban mo,” sabi niya. “Upakan mo dito sa lulod para ma-disable. Hindi na siya makakatakbo. Itodo mo ang hataw, Princess.’’

“Oo, Jo. Nabasa ko nga sa notebook ni Tatay ang mga tips sa arnis.’’

‘‘Basta huwag kang magpapauna sa takot, kayang-kaya mo ang kalaban.’’

‘‘Oo. Ganun ang gagawin ko.’’

“Dun ka pumuwesto sa malagong damo at dito naman ako.’’

“Okey.’’

‘‘Tiyak malapit na sila.’’

‘‘Sa palagay mo dalawa lang sila, Jo.’’

“Oo. Nang lampasan natin kanina, napansin ko na dalawa lang. Isang drayber. Sila yung nag-aabang sa’yo sa gate ng school.’’

“Mabuti para madali na­ting matatalo ang mga walanghiyang ’yun.’’

Maya-maya pa, nakarinig sila ng ugong. Hanggang sa matanaw nila ang van.

‘‘Parating na ang van. Hu­manda ka Princess!’’ (Itutuloy)

Show comments