Lamanloob ng batang babae sa India, kinuha at inialay upang magkaroon nang masaganang ani
DITO sa ating bansa, karaniwang ginagawa ng mga magsasaka para magkaroon ng mabuti at masaganang ani ay nag-aalay ng mga masasarap na pagkain sa simbahan at mga kapilya. Ang iba naman ay walang tigil sa pagdarasal at humihiling na pagkalooban nang masaganang ani. At nagkakatotoo ang kanilang hiling sa Diyos.
Pero sa isang state sa India, kakaiba ang ginagawa roon ng mga magsasaka para magkaroon nang masaganang ani nangingidnap sila ng mga bata at kinukuha ang lamanloob nito para ialay upang magkaroon nang masaganang ani.
Karumal-dumal ang nangyari sa isang 7-taong gulang na batang babae sa Bijapur district sa Chhattisgarh state. Kinidnap siya ng dalawang magsasaka habang pauwi sa kanilang bahay. Ang bata ay nakilalang si Lalita Tati.
Ayon sa mga awtoridad, makaraang kidnapin ang bata, dinala ito sa isang liblib na lugar at saka pinatay. Binuksan umano ang dibdib nito at saka kinuha ang atay at inialay para maging maganda ang kanilang ani.
Agad namang nahuli ang dalawang magsasaka at inamin ang pagkakasala. Natagpuan naman ang katawan ng bata, pagkalipas pa ng ilang linggo.
Ayon kay Senior police officer Rajendra Narayan Das, nahaharap sa parusang kamatayan ang dalawang magsasaka. Matibay ang ebidensiya sa dalawa. Ayon pa sa police officer, ang dalawa ay mga miyembro ng isang tribu at matibay ang paniniwala na kapag nag-alay sila ng lamanloob ng batang babae ay gaganda ang kanilang ani.
- Latest