MALUNGKOT na umuwi sa kanilang bahay ang isang batang lalaki mula sa school. Itinanong ng kanyang ina kung bakit siya malungkot. Sa halip na sumagot ay iniabot ng bata ang isang kapirasong papel. Liham iyon sa ina mula sa titser ng bata.
Napakagat sa labi ang ina matapos basahin ang maikling liham. Pinapayuhan ng titser na huwag nang papasukin ang kanyang anak sa school dahil wala na itong pag-asang matuto. Napakabobo raw ng anak nito at hindi na niya mapagtitiyagaang turuan ito.
Buong pagmamahal na niyakap ng ina ang kanyang anak at nagwika: “Al, kung ayaw ka nilang turuan, ako ang magtuturo sa iyo. Ang titser mo ang bobo, hindi ikaw anak. Matalino ka. At ako ang tutuklas ng talinong itinatago mo.”
Alam ng ina ang kanyang sinasabi dahil dati siyang titser. Buong tiyaga niyang tinuruan ang kanyang anak. Naging mahilig ang bata sa pagbabasa. Kasunod nito ay pagkahilig sa pag-iimbento ng kung anu-ano kaya ipinagpagawa siya ng laboratoryo ng kanyang ina sa basement ng kanilang bahay. Dinala ng bata ang ugaling pagbabasa at pag-iimbento hanggang sa siya ay tumanda.
Pagkalipas ng maraming taon, namatay si Al. Bilang pagkilala sa mga imbensyong nagawa ni Al at napakinabangan ng sambayanan, isang minutong nanahimik ang mga tao kasabay ang pagpatay sa mga ilaw sa buong North America.
Salamat sa mga naimbento ni Thomas Alva Edison – bombilya, motion picture at record player. Ang batang minsa’y tinawag na bobo ng kanyang titser ay nakapag-patente ng mahigit isanlibong imbensiyon.