Kung sa Quezon City, naitala ang sunud-sunod na pagsalakay ng de-sasakyang holdaper, sa Makati naman pala, rapist na de-van ang sinasabing kumakana.
Kapwa estudyante, ang isa ay 14-anyos habang ang isa naman ay 21-anyos ang naging biktima ng mga de-van na rapist.
Maraming mga magulang na ang nangangamba para sa kanilang mga anak, kaya nanawagan sila sa pulisya para agad na matunton at mabuwag ang grupong ito.
May aksyon naman dito ang kapulisan kung saan agad na bumuo ng composite team ang pamunuan ng Makati City police para i-operate ang grupo.
Unang naiulat ang pagdukot at pangmomolestiya ng mga suspect na lulan ng van sa isang 14-anyos na high school student habang papasok sa eskuwelahan noong nakalipas na Lunes. Tinapatan umano ng sasakyan ng mga suspect ang dalagita at sapilitang ipinasok sa loob ng sasakyan at doon minolestiya.
Nagawa namang makatakas ng nene nang makakuha ng tiyempo habang nagpapakarga ng gasolina ang mga suspect.
Nauna rito, pero huli na nang lumutang naman ang isang 21-anyos na coed na umano’y dinukot at hinalay rin ng mga de-van na suspects sa lungsod din ng Makati habang papauwi na buhat sa paaralan ang biktima. Naka-bonnet pa umano ang mga suspect.
Talagang kakaiba na ngayon ang mga kriminal at mga kawatan na de-sasakyan na kapag tumitira.
Sa Quezon City, hindi ba’t de-sasakyan din ang mga kawatang nanghahablot ng bag partikular sa mga kababaihan.Kung hindi kotse o SUV ang gamit ng mga kawatan na ito, ilan ay de-motorsiklo.
Malaking hamon ito sa pulisya na matugis at madakip ang mga ito dahil na rin sa namumuo ngayong takot at pangamba ng ating mga kababayan sa ganitong uri ng operasyon ng mga kriminal.