‘Air Umbrella’ hi-tech na payong, nagbubuga ng hangin upang hindi maulanan ang gumagamit

ISANG grupo ng mga imbentor mula sa China ang nakapagdebelop ng isang hi-tech na payong na tinawag nilang “Air Umbrella”. Makabago ang payong dahil mistulang invisible ito. Sa halip kasi na plastic o tela ang magprotekta sa gumagamit nito ay ma­lakas na daloy ng hangin ang ibinubuga ng “Air Umbrella” upang maprotektahan ang gumagamit nito mula sa mga patak ng ulan.

Ang “Air Umbrella”, na ideya ng mga engineer mula sa Nanjing University of Aeronautics and Astronautics, ay puwede para sa dalawang tao dahil umaabot sa isang metro ang lawak ng hangin na ibinubuga nito.

May mga problema pa ang “Air Umbrella” sa ngayon gaya ng battery nito na nauubos sa loob lamang ng 30 minuto at ang pagiging maingay ng motor nito ngunit umaasa ang mga nakaimbento ng hi-tech na payong na masosolusyonan din nila ang mga problemang ito kapag marami na silang pondo.

Nagawa na ng mga imbentor ng Air Umbrella na makaakit ng mga mamumuhunan upang masimulan na nilang maibenta sa publiko ang kanilang imbensiyon. Tinatayang nasa $60,000 na ang kanilang malikom sa mga gustong mamuhunan sa kanilang kakaibang payong.

Show comments