MASASABING literal na may magandang panlasa pagdating sa sining ang 35-anyos na Chinese painter na si Han Xiaoming.
Sa halip kasi na brush, ang kanyang dila ang gamit ni Han sa pagpipinta ng kanyang mga obra.
Nagsimulang magpinta si Han gamit ang kanyang dila nang sinubukan niya ang tradisyunal na paraan ng pagpipinta ng mga Chinese na gumagamit ng tinunaw na asukal bilang pintura. Minsan ay inabot si Han ng gutom habang nagpipinta kaya tinikman niya ang gamit niyang tinunaw na asukal. Nagustuhan niya ang lasa at noon niya naisipang tigilan na ang paggamit ng paintbrush at sa halip ay gamitin na lang ang kanyang dila sa pagpipinta.
Ayon kay Han, epektibo ang dila sa paglikha ng mga larawan. Nagkakaroon daw kasi siya ng mas malalim na koneksyon sa kanyang mga ipinipintang larawan kumpara noong gumagamit pa siya ng paintbrush.
Dahil sa kanyang kakaibang pamamaraan sa pagpipinta, nakikilala na ngayon si Han sa buong China. Naglilibot na siya sa mga bayan-bayan upang ipakita sa publiko ang kanyang proseso sa pagpinta gamit ang dila. Mabilis din niyang natatapos ang mga larawang ipinipinta gamit ang kanyang dila. Wala pang isang oras ay nakakabuo na siya ng ilang larawan na mabilis din niyang naibebenta sa dami ng gustong bumili ng mga ito.