Kuwentong Akyat-Bahay

Part 2

ISA palang malaking balita sa aming barangay ang nangyari noong inakyat ng mga magnanakaw ang aming bahay sa Laguna. Ito ang napatunayan ng aking ina noong isang araw na umuwi siya upang umatend ng barangay fiesta. Iisa ang tanong ng bawat taong bumabati sa kanya: Ano ang ninakaw sa inyo? Iisa rin ang sagot ni Nanay: Awa ng Diyos… wala.

Bago pala inakyat ng magnanakaw ang aming bahay ay tatlong sunud-sunod na nakawan ang nangyari. Ang unang ninakawan ay bahay na wala rin tumitira dahil nasa abroad ang buong pamilya. Ang pagkakaiba nila sa amin ay may umuuwing miyembro ng pamilya dito sa bahay na ito tuwing ika-6 na buwan. Kaya may mahahalaga pa rin silang gamit na iniiwan sa bahay. Mga alahas daw ang nakuha.

Ang pangalawang bahay naman na ninakawan ay may tumitira pero ang isang miyembro ng pamilya ay OFW na kababalikbayan lang. Inakyat ang bahay habang may natutulog na tao sa loob. Alahas din ang kinuha at isang mamahaling relo. Ang konklusyon ng marami, ang nais lang nakawin ay iyong mailalagay sa bulsa. Ayaw nilang magnakaw ng gamit na malalaki dahil mahirap tumakbo kapag nahuli sila.

Ang ikatlong kaso ng pagnanakaw ay sa public school na malapit din sa aming bahay. Laptop naman sa opisina ng school principal ang ninakaw. Nasa pintuan na raw ang desktop computer pero sa hindi malamang dahilan ay naiwan ito.

Ang inaasahan naming makukuha ay ang tatlong bagong airbed na iniwan namin noong huli kaming umuwi. Ibinalot namin iyon sa plastic para hindi dikitan ng alikabok. Ang bagong biling dalawang electric fan ay ibinalik namin sa box. Kung gugustuhin ng mga magnanakaw, mabilis na itong mabibitbit, naka-packed na kasi, pero hindi nila kinuha. Ang konklusyon ni Nanay, tumalab pa rin ’yung mga Latin prayers na nakadikit sa likod ng aming pintuan.

Show comments