ISANG babae sa United Kingdom ang tinaguriang “sleeping beauty” dahil sa kanyang kakaibang sakit na nagdudulot sa kanya para matulog ng 22 oras araw-araw.
Si Beth Goodier, 20, ay may sakit na kung tawagin ay Kleine-Levin Syndrome (KLS). Kilala rin ito sa tawag na sleeping beauty syndrome dahil ang mga may karamdamang ito ay natutulog ng halos buong araw. Tuliro rin at madalas ay nag-aasal bata ang mga may KLS tuwing magigising sila mula sa kanilang mahabang pagkakatulog.
Lubhang naapektuhan ang buhay ni Beth dahil sa KLS. Hindi siya makapag-kolehiyo dulot ng lagi niyang pagtulog. Kailangan din siyang bantayan at alagaan dahil sa kanyang kondisyon kaya kinailangan ng kanyang ina na tumigil sa pagtratrabaho upang mag-alaga kay Beth.
Sinasamantala ni Beth ang mga sandaling siya ay gising sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa kanyang kakaibang sakit.
Tinatayang nasa 1,000 ang may Kleine-Levin Syndrome sa buong mundo. Sa UK, tinatayang 40 ang may KLS at kabilang dito si Beth. Walang masyadong pag-aaral na naisasagawa ukol sa sakit at hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw kung ano ang sanhi nito o kung paano ito malulunasan.