NGAYONG Oktubre ay ipinagdiriwang ang “National Children’s Month” na ang tema ay “Bata Kasali Ka, Ikaw ay Mahalaga”. Sabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary Dinky Soliman nakatutok ang kanyang tanggapan sa kapakanan at karapatan ng mga bata sa buong bansa. Prayoridad umano nila ang mga bata mula sa mahihirap na pamilya. Marami umano silang projects para sa mga mahihirap na bata kabilang dito ang conditional cash transfer (CCT) program. Sabi ni
Soliman, nalalaman nila na milyong bata ang hindi malusog at hindi rin nakakapag-aral kaya sisiguruhin nilang sa hinaharap ay malulusog na ang mga bata at makakapagtapos ng high school para magkaroon sila ng pagkakataong makahanap ng trabaho at maging maganda ang kinabukasan. Dahil sa CCT program, maraming bata ang magkakaroon ng magandang hinaharap sapagkat natutulungan sila hindi lamang sa pagkain kundi pati sa kanilang pag-aaral. Sa ilalim ng CCT program nabibiyayaan ang mga batang edad 0-18. Ayon kay Soliman, nasa 10 milyong kabataan na ang nabiyayaan ng CCT program.
Magandang malaman na nakapokus ang DSWD sa kapakanan ng mga bata. Sana matutukan din nila ang maraming batang manggagawa na ayon sa National Statistics Office (NSO), nasa 5.49 milyon na. Ayon sa International Labor Organization, dahil sa maagang pagsabak ng mga kabataan sa pagtatrabaho, ninanakaw ang kanilang karapatan na mamuhay nang normal bilang mga bata. Nawawala rin ang kanilang dignidad at potensiyal. Bumabagsak sila sa pagiging alipin, maaagang nawawalay sa kanilang mga magulang at nalalantad sila sa panganib ng pagkakasakit. Ang masama pa, marami sa kanila ang nasasadlak sa masamang gawain.
Tutukan din ng DSWD ang mga batang kalye o batang hamog na ayon sa report ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), ay nasa 75,000 hanggang 85,000 na. Pinakamarami umanong batang kalye sa Metro Manila. Mga nanlilimahid at gagala-gala sila sa mga kalye at sa mga silong ng MRT, LRT, at mga tulay natutulog sa gabi. Karamihan sa mga batang kalye, ‘pamimitas ng hikaw’ ang ginagawa sa mga pasahero ng jeepney. Maraming gumagawa nito sa Quiapo, Recto at Rizal Avenue at iba pang lugar.
Sana makita rin ang mga ito ng DSWD at maabot ng kanilang tulong. Bigyang prayoridad ang mga batang manggagawa at mga palaboy-laboy.