Mga panda sa isang zoo sa China, nagkukunwaring buntis para mabigyan ng special treatment
KILALA ang mga panda bilang isa sa mga pinakatamad na hayop sa mundo. Natutulog lang ang mga ito buong araw at karaniwang gumigising lamang upang kumain ng kawayan na paborito nilang pagkain.
Ngunit iba pa rin ang katamarang ipinakita ng mga panda sa Chengdu Panda Base sa Sichuan Province sa China nang magkunwari ang mga itong buntis upang makaiwas sa ehersisyo at mabigyan nang mas maraming pagkain.
Ayon sa mga caretaker ng mga panda, parang reyna raw kung ituring ang mga buntis na panda sa kanilang zoo dahil mahalaga sa kanila na maparami ang lahi ng mga hayop na ito. Kaya naman ang mga panda na may ipinagbubuntis ay binibigyan ng special treatment. Kasama sa espesyal na pagtratong ito ang paglalagay sa kanila sa mga airconditioned na hawla at sa pagbibigay sa kanila ng mas maraming supply ng kawayan at mga prutas na kanilang pagkain.
Marahil ay napansin ng mga panda ang kakaibang pagtratong ito kaya ang iba sa mga ito ay nagkukunwaring buntis.
Hirap ang mga nagbabantay sa mga panda na malaman kung totoo bang nagbubuntis ang isang panda at natutuklasan lang nila ang pagkukunwari ng kanilang mga alaga pagkatapos ng tatlong buwan na karaniwang itinatagal ng pagbubuntis ng panda.
Sa kabila nito, tuloy pa rin ang Chengdu Panda Base sa pagbibigay ng special treatment sa mga pandang nagbubuntis. Dahil layunin kasi ng zoo na maparami ng lahi ng mga panda ay hindi nila babalewalain ang alinmang panda na nagpapakita ng sintomas ng pagbubuntis, pagkukunwari man ito o hindi.
Dahil sa kanilang metikulosong pag-aalaga, isa ang Chengdu Panda Base sa may pinakamaraming alagang panda sa buong mundo. Mula sa orihinal na anim noong sila ay magbukas noong 1987 ay umabot na ngayon sa 83 ang kanilang mga inaalagang panda.
- Latest