Problema sa droga, malala pa rin

Masasabing may matindi pa rin talagang problema sa pagkalat ng ilegal na droga sa bansa.

Tila hindi maubus-ubos ang mga droga na ito, na kahit­ sunud-sunod ang operasyon at bultu-bultong pagkakasamsam, mukhang talagang laganap sa kapuluan.
Kahapon na naman, nasa apat na kilo ng shabu ang nasamsam sa isinagawang operasyon sa Taguig. Apat na tulak ang naaresto.

Eto ha, dati kapag sinabing ‘drug pusher’, kadalasang ang makukuha dito eh pa-sachet-sachet na shabu. Ngayon ang mga ‘tulak’ hindi sachet ng droga ang bitbit, kilo-kilo na rin, na mistulang big-time dealer.

Hindi lang milyun-milyon ang halaga, bilyun-bilyon  ang nasasamsam  sa mga isinasagawang raid.

Ang nakakaalarma pa rito, sa maliliit na nirerentahang mga apartment at bahay ng ilang mga dayuhang sangkot sa sindikato niluluto ang mga droga.

Hindi dapat tantanan ng mga awtoridad ang pag-operate at paglipol sa mga taong sangkot dito.

Hindi lang dapat sa raid o pag-aresto natatapos, sana ay may matinding ngipin ang batas na magpaparusa sa mga taong sangkot dito.

Ang mabilis na paglilitis at paghatol sa mga sangkot sa pagpapakalat ng ilegal na droga ay makakatulong ng malaki para mapigilan ang paglaganap nito.

Hindi katulad sa ibang bansa, na kapag nahulihan ng droga, hatol agad, parusa agad, kaya medyo nasusupil ang operasyon ng mga ito.

Dahil marahil sa higpit sa ilang karatig bansa, sa Pinas lumilipat ang sindikato, baka kasi dahil sa medyo maluwag dito.

 

Show comments