KAPAG nagnenegosyo, hindi dapat mahiwalay ang pagdarasal. Kailangang may basbas ng Diyos ang papasukin. Gustong mabiyayaan ng kaalaman sa gagawin, gabayan sa mga pasyang kailangan gawin at pagkalooban ng mga taong magiging matapat at masipag at mamahalin ang negosyo tulad ng pagmamahal mo rito. Hindi puwedeng hindi iangat sa Kanya ang negosyo dahil dito nakasalalay ang kinabukasan. Kung gustong managana kailangan ay ipagkaloob sa Diyos at laging nagdarasal. Gayundin kung ano ang kailangan, sa pamamagitan ng dasal na hihingin sa Kanya.
Kaya ako nagkanegosyo ng pagbebenta ng cookies ay dahil dinasal kong bigyan Niya ako ng paraan kung papaano kikita na hindi mawawalay sa anak ko nang malayo at matagal. Noong panahon kasing iyon ay hindi pa ako handang bumalik sa telebisyon pero kailangan kong maghanapbuhay. Dahil sa aking dasal, ipinarating sa akin ng Diyos ang ideya na gawin ng negosyo at pagkakitaan ang aking libangang pagbi-bake.
Sa buhay, natutunan kong kapag may problema o hinihinging kasagutan ay hindi research ang makakasagot. Hindi rin alak, barkada o bisyo, kundi dasal. Kaya ipagdasal ang lahat sa buhay. Ipagdasal na tulungan Niyang hanapin kung ano ang passion sa buhay at hilinging sana ay mapagkakitaan ito. Ipagdasal ang negosyong kayang buhayin ang pamilya. Hindi para maging empleyado habambuhay. Hingin sa Kanya ang negosyong magiging maligaya kang trabahuhin. Hilingin ang lahat sa Kanya habang nagsisikap. Hayaang Siya ang bahala sa lahat.
Ang sikreto ko sa tagumpay ay ang passion at prayer. Ang passion ang magtutulak para palawakin ang kaalaman at ang negosyo. Ang Diyos lamang ang tanging makapagbibigay ng lakas at kumpiyansang harapin ang lahat ng pagsubok. Kahit anong galing, naniniwala akong ang Diyos pa rin ang may kontrol ng lahat at Siya ang talagang in-charge sa negosyo at buhay nating lahat. (Itutuloy)