LAMPAS anim na dekada na ang larong Scrabble ngunit alam n’yo bang noong ika-50 anibersaryo ng sikat na board game ay ginanap ang sinasabing pinakamalaking laro nito sa buong mundo?
Ipinagdiwang noong 1998 ang ika-50 anibersaryo simula noong unang ipinagbenta sa publiko ang Scrabble at kasama sa selebrasyon ang paglalaro ng isang dambuhalang bersyon ng laro sa Wembley Stadium sa London.
Kinailangang sa Wembley Stadium idaos ang paglalaro ng Scrabble dahil sa laki ng board at tiles na ginamit. Halos umabot sa isang kilometro kuwadrado ang lawak ng game board para sa dambuhalang Scrabble na ito samantlang ang mga tiles naman ay may taas na 6.5 talampakan at lampas isang talampakan ang kapal. Dahil sa laki ng mga tiles na ginamit, kailangang dalawang tao ang magbuhat ng mga ito.
Mga koponan mula sa British Army at Navy ang naglaro sa higanteng Scrabble board. Tinulungan din ang bawat koponan ng mga pinakamagagaling na manlalaro ng Scrabble sa United Kingdom. Sa huli ay nanalo ang British Navy na lumamang lamang ng dalawang puntos sa kanilang mga kalaban mula sa British Army.