ISANG biyuda si Teresita at may matinding problema sa mga manugang. Dalawa ang anak niyang lalaki at pareho nang may asawa. Aywan ba niya kung bakit pinarusahan siya ng Diyos sa pagkakaroon ng dalawang manugang na maldita. ‘Yun tipong mangingilabot kapag narinig mong sinasagot-sagot siya ng mga manugang. Mga may pinag-aralan naman ang mga ito pero hindi marunong rumespeto sa biyenan. Ang isa pang ikinalulungkot niya ay tila nagbubulag-bulagan ang kanyang mga anak sa inaasal ng kanilang mga asawa sa kanya. Sana man lang ay pagsabihan ang kanilang asawa na respetuhin naman siya. Pero wala silang ginagawa. Parang walang pakialam sa kanya ang mga anak.
Kahit noong bata pa ang kanyang mga anak ay hindi niya ugaling magbunganga. Kaya iniisip niya, bakit nagkaroon siya ng mga manugang na bungangera?
Sa di kalayuan sa kanyang bahay ay nakatira ang ina ni Teresita na 75 anyos. Kasama ng kanyang ina sa bahay ay kanyang stepfather. Noon pa siya asar sa kanyang stepfather. Asar din siya sa ina dahil nag-asawa pa ito. Bakit ba siya, nabiyuda rin pero hindi na nag-asawa. Kaya nanggigigil siya sa kanyang ina na hindi makatiis na walang lalaki sa kanyang buhay.
Sa tuwing lumalapit sa kanya ang kanyang ina para humingi ng tulong pinansiyal ay tinatanggihan niya. Malaki ang kinikita ng kanyang negosyo pero hindi niya natapunan ang ina kahit kaunting barya. Isang araw ay inatake ang kanyang ina ng matinding hika. Tumakbo sa kanya ang stepfather para humiram ng perang pampadoktor pero buong katigasan ng loob na tumanggi siya. Sinumbatan pa nito ang stepfather na bakit hindi siya ang mag-produce ng pera gayong siya ang asawa. Simula noon ay hinding-hindi na siya nilapitan para hingan ng tulong ng kanyang ina at stepfather.
Sa puntong ito, hindi na nagtataka ang mga kakilala ni Teresita kung bakit winawalanghiya siya ng mga manugang. Bad karma raw niya iyon dahil tinitikis niya ang kanyang sariling ina.