‘Kunwari’y mangungupahan, ’yun pala tirador ng cell phone’

LIKAS sa ating mga Pinoy ang maasikaso o pagiging hospitable sa mga taong nakakasalamuha natin, pamilya man, kaibigan o mga bagong kakilala lang.

Lalo na kapag mukhang mabait o sinsero, talagang hindi mo matatanggihan.

Pero ingat. Baka kasi ito rin ang maging mitsa para maloko kayo ng mga gumagalang kawatan at dorobo.

Tulad na lamang ng nangyari sa isang pobreng ginang na kasambahay. Nasa bahay lang umano siya ng amo nang kumatok ang isang lalaki at isang babae.

Ayon kay Clarita, nagpakilala silang sina Coleen at Ronald. Mag-asawang naghahanap ng matutuluyan sa loob ng subdibisyon.

Nagkataon namang may bakanteng kwartong pinauupahan ang pobre kaya dito niya sila dinala. Nagustuhan ng mag-asawang kumag ang kwarto.

Pero, makalipas ang ilang sandali, may tinawagan si Coleen sa telepono. Kapatid niya raw ito at siya ang may hawak ng perang pambayad sa uupahan.

Ilang sandali lang, dumating ang babaeng tinawagan. Habang nasa ibang bahagi ng bahay si Clarita, ang mag-asawa dali-daling umalis matapos kunin ang cellphone ng bagong dating.

Online seller pala ng cellphone ang bagong dating na babae at sina Coleen at Ronald ang buyers. Paalam nila, lalabas lang daw sila sandali para subukan kung gumagana ang wifi ng gadget.

Pagbalik ni Clarita, ang online seller nalang ang inabutan niya sa kwartong uupahan sana. Wala na ang dalawa.

Sa madaling sabi, ang online seller na nakausap at ipinakilala ni Coleen na kapatid niya, biktima rin ng modus. 

At si Clarita na may-ari ng paupahan, ipinakilala ng mga suspek sa online seller na nanay nila at yung bahay na ginawang meeting place ay bahay nila.

Kaya ang lumalabas, ang pobreng kasambahay na si Clarita, ginamit na kasabwat ng dalawang putok sa buho para ma­isagawa ang kanilang pananalisi at panloloko.

Huli na ng malaman ng kawawang online seller at ni Clarita na pareho silang na-modus sa estilo ng dalawang dorobo.

All Points Bulletin ng BITAG sa publiko, hindi masamang magtiwala at magka­wanggawa pero maging matalino at mapanuri sa pagtulong sa kapwa baka sa huli masabit ka sa kanilang kabulastugan.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

Show comments