NOONG nakaraang linggo, inilabas ng US website The Cheat Sheet ang ranking ng mga “worst airport” sa mundo at nangunguna ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ayon sa Cheat Sheet, nirereklamo ng travelers ang NAIA dahil sa masamang pasilidad, masama ang ugali ng mga staff at opisyal at napakahaba at magulong pila. Pero sabi ng Cheat Sheet, may mga pagbabagong ginagawa sa NAIA sa kasalukuyan at maaaring senyales daw ito ng “magandang balita” sa hinaharap.
Ang iba pang “worst airport” ay ang Charles de Gaulle International Airport sa Paris, Los Angeles International Airport at Bergamo Orio al Serio sa Italy.
Pero magandang balita naman ang hatid ng isa pang website sleepinginairports.net na nagsasabing pang-apat ang NAIA sa pinaka-worst airport. Ang nangunguna ayon sa sleepinginairports.net ay ang Benazir Bhuto International Airport sa Islamabad, Pakistan; ikalawa ang King Abdulaziz International Airport sa Jeddah, Saudi Arabia; at ikatlo ang Tribhuvan Airport sa Katmandu, Nepal.
Hindi na masama ang ranking ng sleepinginairports.net na ika-apat ang NAIA sa pinaka-worst pero dapat na mawala sa kategoriya na isa sa mga “worst” ang paliparan na ipinangalan pa naman sa ama ni President Noynoy Aquino.
Simula pa 2011, nabansagan nang isa sa “worst airport” ang NAIA at malaki ang epekto nito sa mga dayuhang nais bumisita sa bansa. Paano gaganahan na magtungo rito ang mga dayuhan kung sa airport pa lamang ay nakakadismaya na. Sa NAIA 1 ay pangit ang pasilidad, walang tubig sa mga comfort room, problema ang airconditiong system at walang mga upuan para sa mga napapagod na pasahero. Mababaho ang CR sa parking area at nakakapasok ang mga pulubi kaya namamalimos sa mga bagong dating na pasahero.
Sana sa 2015 ay wala na sa kategoryang “worst” ang NAIA. Kailangang ipakita sa mga travellers na kayang baguhin ang NAIA.