Minsang Nanood Ako ng Sine

FIRST time kong manood ng sine na mabibilang mo sa daliri ang audience – lima kami sa balcony at may dalawa sa ibaba. Bandang 6 pm ’yun ng Linggo. Hari ng Tondo ang palabas. Noong kalagitnaan ng pagpapalabas ay may humabol na dalawa kaya naging siyam kaming lahat sa loob ng sinehan ng isang mall.

Kung nakakainis ang maraming kasabay sa panonood  ng sine dahil maingay at malaki ang tsansang may sumipa sa likuran ng iyong upuan, nakakatakot naman pala ang manood ng kakalog-kalog lang kayo sa loob ng sinehan.

Noong pumasok kaming tatlong mag-anak sa sinehan ay may dinatnan kaming isang lalaki na nakaupo sa pinakadulo ng first row. Umupo kami sa center ng second row. Trailer pa lang ng mga “coming soon” na pelikula ang ipinalalabas kaya naka-on pa ang mga ilaw. Nang simulan ang Hari ng Tondo ay pinatay na ang ilaw. May dumating na isang lalaki. Umubo kasi siya nang pumanhik sa balcony, kaya natiyak kong lalaki. Kapag ganoon pala, hindi ako makapag-concentrate sa panonood. Ang atensiyon ko ay nasa lalaki. Bale siya na ang pinapanood ko at hindi na ang pelikula. Naaaninag ko kasi na pumipili siya ng upuan. Sa sobrang dami ng upuan, siguro ay hindi malaman kung saan pupuwesto. Idinadalangin kong huwag sanang tumabi sa amin. Ewan ko. Nata­takot ako. Baka masamang tao siya. Tapos napatawa ako. Ang sama naman ng ugali ko. Porke madilim, masamang tao na agad ang lalaking namimili ng kanyang uupuan. Pinagalitan ko ang aking sarili: Gaga!

Umupo ang lalaki malapit sa amin, mga tatlong upuan ang pagitan namin. Lalo akong hindi mapakali nang ang dalawang lalaki na nakaupo sa ibaba ay pumanhik na rin sa balcony. Umupo rin malapit sa amin. Naaninag ko na pareho silang lalaki. Bakit sila lumipat sa balcony? Hindi ako mapakali. Nahahati ang aking atensiyon: pinapakiramdaman ko ang katabi naming mag-anak, kasabay ang pagpanood ko sa pelikula. Nakahinga ako ng maluwag nang matapos ang palabas. Salamat hindi nagkatotoo ang masama kong hinala. Hindi ko masisisi ang aking sarili na maghinala nang masama sa mga katabi namin sa sinehan. Sa dami na ng mga krimeng nangyayari sa paligid, feeling ko ay mga holdaper ang aking mga katabi.

 

Show comments