WALANG kamalay-malay si Princess na lihim siyang pinanonood ni Jo habang nagluluto ng bibingka. Mabilis kumilos si Princess. Isa-isang nilagyan ng tinimplang galapong ang mga hulmahang lata at isinalang sa kalan na may baga. Tinakpan ng latang may baga sa ibabaw. Mga bunot ng niyog ang gatong ni Princess. Ayon kay Princess, magandang gatong ang bunot sapagkat pantay na pantay ang luto. Habang hinihintay ang mga nilulutong bibingka, naglalagay ng tinimplang galapong sa mga hulmahan si Princess.
Maya-maya lamang, naamoy na ni Jo ang mga nalulutong bibingka. Masarap ang amoy ng dahon ng saging na nasusunog.
Hinango isa-isa ni Princess ang mga bibingka. Nang mahango, nagsalang uli ng panibagong batch ng bibingka.
Hanggang sa marami nang maluto. Sa tantiya ni Jo ay mga isandaang bibingka o mahigit pa ang naluto ni Princess. Nang matapos na lahat, inilagay iyon sa isang bilao na may sapin na dahon.
Eksaktong alas singko ay naghanda na si Princess para ideliber sa mga suki ang mga bibingka.
Pero bago umalis, ginising na si Precious at inutusang magsaing at magluto ng ulam. Narinig niya ang sinabi kay Precious.
“Pagbalik ko nakakain ka na ha at nakapaligo para ihahatid na lang kita sa school.’’
Pagkatapos sabihin iyon ay lumabas na ito. Sinundan ni Jo si Princess. Hindi siya napapansin. Sinubaybayan niya hanggang maideliber lahat ang bibingka.
Eksaktong alas sais ay nakabalik ito sa bahay. Nag-abang naman si Jo sa di-kalayuan. Hindi siya sumunod kay Princess.
Ilang minuto ay nakita na niya ang magkapatid. Naka-school uniform si Precious. Ihahatid na ni Princess.
Sumunod si Jo hanggang school. Inihatid ito ni Princess hanggang gate. Nagtataka si Jo kung bakit inihatid pa ni Princess si Precoius.
(Itutuloy)