GAANO man kagarbo o kasimple ang isang seremonya kung ang tao ay walang balak tuparin ang kanyang mga isinusumpa sa harap ng dambana ng altar… wala nang natitirang pagmamahal sa kanyang kinakasama, guguho ang lahat tulad ng isang mansiyon na gawa sa buhangin.
“Buntis na ako, bawal magsama sa Dubai ang di kasal. Sabi niya, siya na bahala sa mga dokumento,” wika ni Raline.
Hindi natuloy ang balak nina Raline Aquino, 32 taong gulang at Rodolfo Rueda na umuwi ng Pilipinas upang magpakasal. Kapwa nagtatrabaho sa Dubai ang dalawa. Si Raline bilang ‘personal assistant’ habang sa ‘Road and Transport Authority’ naman si Rodolfo.
“Nagpunta kami sa isang bahay at pumirma ng ilang mga dokumento,” ayon kay Raline.
Ilang araw ang nakalipas iniabot sa kanya ni Rodolfo ang ‘marriage certificate’ nila. Marso 11, 2011 sa Meycauayan, Bulacan ang nakalagay na petsa kung kailan sila ikinasal. Naging legal ang pagsasama ng dalawa sa Dubai. Hindi lang sila nagkaroon ng problema nung simula dahil ang bahay na tinitirhan ni Raline ay hindi gaanong iniinspeksiyon ng mga opisyales.
“Pinatatakan namin sa Consul General ang marriage contract. Dinala rin namin sa Abu Dhabi para mapa-authenticate,” ayon kay Raline.
Hindi na raw ito kinwestiyon ng Abu Dhabi dahil kumpleto naman sa pirma. Nagsama na sa iisang bahay ang dalawa. Sa kanyang pagkakaalam, may dalawang anak si Rodolfo ngunit hindi kasal sa ina ng mga bata. Kwento ni Raline, buntis pa lang siya madalas na raw silang mag-away ni Rodolfo at bihira ito kung umuwi. Nung siya’y manganak ang usapan hati sila sa lahat ng gastos. Umabot ng Php750,000.00 ang bayarin niya sa ospital dahil labingdalawang araw na inilagay sa ‘incubator’ ang kanilang anak.
“Nakiusap ako sa kompanya ko na kung pwede sila muna ang sumagot dahil walang-wala ako. Hindi ko naman maasahan ang mister ko,” salaysay ni Raline. Pumayag naman ang pinagtatrabahuan ni Raline at ibabawas na lang ito sa kanyang sahod. Maging sa mga pangangailangan daw nilang mag-ina ay hindi tumutulong itong si Rodolfo. “Nung minsan nanghingi ako ng pera hindi siya nagbigay. Inagaw ko yung wallet niya tapos sinampal ako,” salaysay ni Raline. Kinutuban siya na may ibang pinagkakaabalahan ang mister maliban sa trabaho. Narinig niya mula sa kanilang mga kaibigan na may bago umano itong karelasyon.
“Hinahanap ko siya kaya napadpad ako dun sa dati niyang tinitirhan. Nakita kong bumaba sila ng babae niya sa kotse kasama ang tiyahin,” kwento ni Raline. Nagdabog at nag-walk-out daw ang babae nang mapansin siya. Pinilit siya ni Rodolfo na iuuwi na siya sa bahay nila.
“Ang alam ko waitress yung babaeng yun, 1,000 Dirham lang ang sahod. Sa upa pa lang sa bahay 800 Dirham na. Sino ba naman ang hindi maghihinala?” salaysay ni Raline.
Sunud-sunod na ring nakukumpirma ni Raline ang sagot sa sariling tanong. Ibinenta ni Rodolfo ang sasakyan noong Abril 2013 at nung Agosto 2013 nang isanla nito ang ATM nito para may ipangpa-opera ang tatay ng umano’y babae nito.
“Lubog na raw siya sa utang pero wala naman siyang inaabot na pera sa ‘kin,” wika ni Raline.
Sumuko na si Raline na ayusin ang relasyon nila ni Rodolfo kaya sustento na lang ang gusto niyang hingin dito ngunit hindi naman tumutupad sa kanyang obligasyon itong si Rodolfo. Sa puntong ito nagreklamo si Raline sa ‘Consulate’.
“Humingi ako ng 2,000 Dirham. Hindi niya raw kaya at isang libo lang mabibigay niya. Bayad pa lang sa yaya 1,200 Dirham na. Pumayag ako sa 1,500 Dirham,” ayon kay Raline.
Hindi din daw makaya ni Raline ang pag-aalaga mag-isa sa bata kaya’t humingi siya ng tulong sa mister. Hindi nito sinunod ang napagkasunduan kaya’t naghain na siya ng Child Abuse sa korte sa Dubai noong ika-24 ng Hulyo 2014. Pagdating ng Agosto 3, 2014 umuwi ng Pilipinas si Rodolfo dahil ayaw nitong makulong. Maging ang babae umano nito ay sumunod din sa Pilipinas.
“Yung mga utang ko mula nung manganak ako mag-isa kong binabayaran. Kung hindi ako mag-oovertime hindi ako makakabayad at wala akong gagastusin sa pangangailangan namin,” ayon kay Raline.
Napag-alaman din ni Raline na kasal pala sa unang kinasama itong si Rodolfo kaya nais niya itong makasuhan at magsustento sa kanilang anak.
Umuwi lang din siya dito sa Pilipinas upang habulin si Rodolfo dahil balita niya balak nitong umalis papuntang Canada.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Raline.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, mas mabuting mas malaking reklamo ang isampa mo dito kay Rodolfo para mas indahin niya ang reklamo mo. Sa kasong ‘Bigamy’ ang pinakamatibay na ebidensiya lang dito ay ang dalawang ‘marriage certificate’.
Ang ginamit niyang salamangka ay tapatan mo ng salamin para bumalik sa kanya lahat (talbog sa ‘yo).
Pumirma man siya ng isang dangkal na dokumento na nagsasabi na magsusustento siya, kapag nagising siya isang araw at nadesisyunan niyang hindi na siya magpapadala walang tigil na ang iyong paghahabol. Magsampa ka muna ng ‘criminal case’ habang dinidinig ito ng taga-usig, hilingin mo sa Department of Justice na ilagay ito sa ‘look-out bulletin’ para hindi ganun siya kabilis na makakasibat at kapag ito’y nasa korte na ang Judge mismo ang maglalabas ng ‘Hold Departure Order’ para pigilin siyang makalipad sa ibang bansa. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.