Manong Wen (71)

K INABAHAN si Princess nang maalala ang balita sa TV na may mga kabataang babae — karaniwang nasa high school ang dinudukot at saka ibi­nibenta sa mga dayuhan. Mga birhen daw ang hinahanap ng mga dayuhan. Nagbabayad nang malaki kapalit ng mga birhen. Ilan daw ay mga mayayamang Chinese ang parukyano.

Kung pagbabatayan ang kinuwento ni Precious na sinundan siya ni Chester habang sakay ito ng kotse, maaaring ang balak nga ay i-snatch si Precious. Mada­ling mai-snatch si Precious at saka isasakay sa kotse. Kapag naipasok na sa kotse ay may ipaaamoy at mahihilo na si Precious. Paggising ni Precious ay nasa kuwarto na siya at kinukubabaw na ng hayok na dayuhan. Wasak na ang kabirhenan ng kapatid.

Naipalo ni Princess ang arnis sa suwelo. Lumagatok iyon sa lakas.

“Ate! Bakit?”

Nahimasmasan si Princess. Masyado siyang natangay sa iniisip.

“Wala! Naisip ko na baka miyembro ng sindikato si Chester at masama ang balak sa’yo. Baka kikidnapin ka at ibibenta sa mga Chinese.”

“Pero bakit?’’

“Baka mga kabataan ang gusto --- mga birhen.’’

“Diyos ko! Parang ayaw ko nang pumasok sa school Ate. Parang may phobia na akong lumabas ng bahay. Tiyak na susundan uli ako nina Chester. Baka hindi na ako tantanan ng mga iyon.’’

“Huwag kang mag-aalala, Precious. Sasamahan kita sa pagpasok. Susunduin kita sa school kapag uwian.’’

“Pero ano ang magagawa mo Ate e parehas lang tayong babae. Baka pareho pa tayong kidnapin at reypin nina Chester.’’

Problemado si Princess. Tama si Precious. Pareho silang babae. Mahina. Kahit pa makabisado niya ang arnis, hindi uubra sa bangis ni Chester.

“Ate tawagan mo na si Mang Jo. Sabihin mo ang kalagayan natin. Huwag ka nang mahiya sa kanya. Di ba talaga namang tinutulungan niya tayo.’’

Nag-isip si Princess. Mukhang tama si Precious.

Dinukot niya ang cell phone sa bulsa. Tatawagan niya si Mang Jo sa Maynila.

 

NANG mga sandali namang iyon ay iba ang iniisip ni Jo. Balak niya, huwag munang magpakita kina Princess. Titiisin  muna niyang huwag makita si Princess.

Saka na lang siya pupunta sa probinsiya. Saka na lang. Kapag lubusan na niyang natanong ang sarili ukol sa nadarama kay Princess.

(Itutuloy)

Show comments