Lifestyle check
FLASH Report: Mayroong shabu tiangge sa Sitio Sulok, Bgy. San Nicolas, Masantol, sa Pampanga. Ang nag-ooperate ng shabu tiangge ay ang kabit ng isang pulis at kapatid nito. Dapat alamin ng hepe ng PNP ng Masantol na si Chief Insp. Jowen de la Cruz kung sino ang pulis na patong sa shabu tiangge at kasuhan para matanggal. Kapag hindi kumilos si De la Cruz, siguro napapanahon na para sibakin siya ni Chief Supt. Raul Petrasanta, hepe ng PRO-3. Hala kilos na Maj. De la Cruz!
* * *
Nanlulumo ang mga pulis dahil sa hanay lang nila itinutulak ni DILG Sec. Mar Roxas ang lifestyle check nito. Sa totoo lang mga kosa, hindi lang ang mga pulis ang nagpapatupad ng tinatawag na “quota system” kundi maging sa mga pulitiko. Sa sugal kasi tulad ng video karera, bookies ng karera, sakla, ending, lotteng, bookies ng Small-Town-Lottery (STL), ay hindi lang ang kapulisan ang may mando kundi maging ang pulitiko. Hindi naman kasi makapag-umpisa ang operation ng pasugalan sa isang area kapag walang basbas ng mga governor o mayor. Ang kapulisan ay susunod lang sa kumpas ng kanang kamay ng mga pulitiko, di ba mga kosa? Tumpak! Kaya hindi nararapat na ang lifestyle check ni Roxas ay nakatuon lang sa mga pulis at dapat isama na ang mga pulitiko. Tulad ng PNP, ang mga local government units (LGUs) ay saklaw din ni Roxas kaya may karapatan siyang iutos na isama sila sa lifestyle check, di ba mga kosa? Boom panes!
Bilang halimbawa Sec. Roxas Sir ay ang relasyon nina Batangas Gov. Vilma Santos at kumareng si Aling Tessie, ang reyna ng pergalan sa Calabarzon area. Dahil magkumare nga sila, aba ang lahat na halos ng pergalan sa Batangas ay si Aling Tessie ang financier. Magkano ba Ate Vi Ma’m? Hehehe! Ang isa pang halimbawa ay ang pag-bid ng video karera operator na si Buboy Go ng P1.5 milyon para siya ang makapag-operate ng VK sa kaharian ni Manila Mayor Erap Estrada, na tinapatan naman ng mag-asawang Gina at Romy Gutierrez. Maliwanag na kaya nag-bidding para kay Mayor Erap dahil siya ang may mando sa pasugalan sa Maynila, di ba mga kosa? Nangyayari rin ang bidding sa iba pang lugar ng bansa kaya maliwanag na ang mga LGUs ang may final say talaga kung ang operation ng sugal ang pag-uusapan. Kaya dapat isama din ang mga pulitiko sa lifestyle check dahil unfair na ang PNP lang ang isasabak dito eh me mantsa rin ng lingguhang intelihensiya ang mukha nila, hehehe! Tiyak ‘yun!
Para sa kaalaman ni Roxas, ang ginagamit ng mga pulitiko para sa “quota system” nila ay ang City hall detachments, di ba Maj. Bernabe Irinco Sir? Puwede ring ilayo nila konti ang bulsa nila para hindi halata, di ba Ret. Gen. Robert Calinisan Sir? Tulad ng kapulisan, kung anu-anong drama rin ang ginagawa ng mga pulitiko para mapuno ang bulsa nila ng perang galing sa pasugalan. Kaya’t i-lifestyle check mo rin ang LGUs natin Sec. Roxas Sir!
- Latest