‘Homemade submarine’ naibenta sa Sweden ng $100,000

ISANG “homemade submarine” ang  naibenta ng isang lalaki sa Sweden. Naibenta niya ito ng $100,000 (mahigit P4.4 milyon).

Dalawang taong ginawa ni Smith Eric Westerberg ang walong toneladang submarine na may habang 18 talampakan. Sinimulan niya ito noong 2005. Ayon kay Smith aabot sa 3,500 na oras ang kanyang nagugol sa pagbuo ng kanyang submarine na pinangalanan niyang “Isabelle”.

Nagawa na niyang maglayag sakay ng submarine na kanyang nagawa at ayon sa kanya, kayang-kaya nitong lumubog sa tubig hanggang sa 30 talampakang lalim. Matibay din daw ang pagkakagawa niya rito dahil hindi raw ito basta-basta mabubutas sakaling mabangga habang nasa ilalim ng karagatan.

Napagpasyahan na niyang ibenta ito dahil wala na siyang oras para ilayag ito. Marami namang nagkainteres sa kanyang submarine mula sa iba’t ibang bansa. Hanggang isang hindi nagpakilalang negosyante ang nanalo sa subastahan para sa submarine ni Smith. Wala namang nakakaalam kung saan gagamitin ng negosyante ang kanyang bagong biling submarine.

Hindi naman sa paggawa  ng submarine magtatapos ang mga proyekto ni Smith dahil ayon sa kanya marami pa siyang ibang ideya na kanya ring isasakatuparan sa hinaharap.

 

Show comments