NAGING stable ang mga order habang paisa-isa ay dinadagdagan ko na ang aking mga produkto. Subalit dahil naging stable na at nagkaroon na ng strong following ang aking negosyo, kumatok ang panibagong tanong sa akin: Saan na papunta ang negosyong ito? Ano na ang susunod na expansion step ko?
Enero ng taong ito ay nag-fasting ako at nagtanong sa Diyos, ano na po ba ang next level? Paano ko po mapapanatili ang patuloy na paglago ng Baked Bites by ABC kung hindi ko pa kayang magtayo ng tindahan, kiosk o kahit maliit na cafe? Ang pagkakaroon ng provincial resellers ang ibinulong niya sa akin. Nabiyayaan ako ng 15 provincial resellers - sa Cebu, Laguna, Davao, Iloilo, Pangasinan, Batangas, Cavite etc. Naging nationwide sensation ang Nutella Rocks. Napakalakas nito noong simula dahil curious ang mga tao kung ano ba ang Nutella Rock, bakit ito usap-usapan sa telebisyon, lalo na sa Maynila.
Masarap sa pakiramdam na libu-libo ang ipinapadala ko linggu-linggo patungo sa iba’t ibang sulok ng bansa. Subalit hindi naglaon ay hindi rin na-sustain ang provincial market. Oo, sabik ang mga tao sa simula pero hindi para umorder sila nang umorder. Karamiihan sa mga taga probinsya ay gusto lamang makatikim talaga.
Makalipas ang apat na buwan ng mataas na demand sa mga probinsiya at kasabay ng dahan-dahan din nitong pag-decline ay humarap na naman ako sa panibagong pagsubok… saan na naman ako papunta? Lord, hindi ko pa rin po talaga kayang magtayo ng store. Sumagot ang Diyos, “Bueno, kung hindi mo pa kayang magtayo ng tindahan na pupuntahan ng mga tao, bakit hindi tayo ang mismong magdala sa kanila ng produkto mo? Magdoor-to-door delivery ka.” Dito isinilang ang aking motor at delivery service.
Sa kasalukuyan, tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo akong may delivery sa kahit saan sa Metro Manila. Mapa-bahay, opisina o paaralan basta nasa Metro Manila ka, mula Valenzuela, Malabon, Caloocan hanggang Alabang makakarating ang Nutella Rocks sa iyo. Talagang freshly baked from my oven to your homes. Ito ang kuwento ng aking buhay bilang panadera.