TANGGAP na ng mga kinauukulan sa Chongqing City, China ang pagkahilig sa pagte-text ng kanilang mga mamamayan kaya naman para maiwasan ang banggaan habang naglalakad sa kalye ay nagbukas sila ng eksklusibong lane para sa mga nagte-text.
Ginawa ang nasabing “cell phone lane” sa Foreigner Street na isang bahagi ng Chongqing City na maraming turista. Sa cell phone lane na ito ay maaring mag-text ang mga naglalakad sa sidewalk ngunit ipinagbabawal na ito sa labas ng nasabing lane.
Proteksyon din ang cell phone lane para sa mga matatanda at bata na naglalakad sa mga kalye ng Chongqing na maaring mabangga ng mga nagte-text na hindi tumitingin sa kanilang mga dinaraanan.
Ngunit mukhang hindi naman epektibo ang naging proyektong ito sa Chongqing. Ayon sa mga nakapag-obserba sa cell phone lane ay madalas na hindi napapansin ng mga nagte-text ang mga karatula na nagsasabing kailangan nilang manatili sa cell phone lane na eksklusibo para sa kanila. Masyado kasi silang abala sa kanilang pagte-text kaya hindi rin nila nakikita ang mga ito.