ISANG 11-anyos na batang lalaki sa China ang nakadiskubre ng isang espada na sinasabing 3,000 taon na.
Natagpuan ni Yang Junxi ang antigong espada habang naghuhugas ng kamay sa isang ilog sa Jiangsu province. Nakapa niya ang dulo ng espada kaya hinugot niya mula sa pagkakabaon sa batuhan.
Dinala niya ang espada sa kanilang bahay at ipinakita sa kanyang ama. Agad namang kumalat ang balita ukol sa espada kaya pinagkaguluhan sila.
Sa unang tingin pa lamang, alam na ng lahat ng nakakita sa espada na mahalagang tuklas ito kaya marami ang nag-alok sa ama ni Junxi na bilhin ito sa malalaking halaga. Hindi naman nakumbinsi ang ama ni Junxi dahil illegal kung ipagbebenta niya ang espada sa mga pribadong indibidwal. Kaya sa halip na pagkakitaan ang nadiskubre ng anak, ipinadala niya ang espada sa mga kinauukulan upang masuri.
Ang espada ay may sukat na 10 pulgada at gawa sa tanso. Nakumpirma na 3,000 taon na ito. Ayon sa mga pagsusuri, pinaniniwalaang ginamit ito hindi bilang sandata kundi bilang palamuti ng isang mataas na opisyal ng imperyo ng China noon.
Dahil sa pagkatuklas ng bata sa nasabing espada, pinagpaplanuhan nang hukayin ang nasabing ilog para sa iba pang mga antigong kagamitan na maaring nakabaon doon.