NGAYONG Setyembre ay ikatlong anibersaryo ng aking negosyo – ang Baked Bites by ABC. Itinayo ko ito noong 2011. At para sa ikatlong anibersaryong ito, naging katuwang ko ang Corporate Communications ng GMA 7 sa paggunita sa aking humble beginnings. Inanyayahan ni Ms. Angel Javier ang mga kilalang writer at editor ng lifestyle sections ng pinakamalala-king pahayagan at publikasyon at ikinuwento ko sa kanila kung papaano nagsimula ang BBbyABC.
Nagsimula akong mag-bake noong 2008. Niregaluhan ako ng baking book ng isang espesyal na kaibigan dahil alam niya ang aking pagnanais at pangarap na gumawa ng pandesal. Dahil hirap akong magtimpla hindi na niya ako pinilit. Nagbakasakali siyang baking ang aking talento. Hindi naman siya nagkamali.
Ang unang ginawa ko ay tinapay -- Greek Whole Wheat Honey Walnut Loaf. Naging successful ang aking unang subok kaya naman naengganyo akong ipagpatuloy pa ito. Hanggang sa araw-araw na akong nag-bake. Mula tinapay, pizza, brownies, cookies, cupcakes etc.
Mahilig lang akong sumubok ng mga recipe at ipamigay ito sa mga kaibigan at kamag-anak. Hobby, home-baker akong matatawag. Mahal na hobby ito kung tutuusin. Siyempre gusto mong masarap ang gagawin mo kaya dapat ay de kaledad ang mga sangkap na gagamitin.
Noong 2011, napagpasyahang pagkaperahan na ang mamahaling libangang ito. Setyembre nang nasabing taon ay mag-aanim na buwan pa lamang si Gummy. Kakahiwalay ko lang din sa kanyang ama at hindi pa ako handang bumalik sa pag-aartista. Hindi ko pa kayang mawalay sa aking anak ng matagal na panahon, at ako ay exclusively breastfeeding. Hindi ko rin sigurado kung may babalikan pa ako sa pag-aartista. Kaya naman nagdasal ako ng mataimtim at humingi sa Diyos ng sagot kung sa papaanong paraan ko mabubuhay ang aking anak at pamilya. At hindi naman nagtagal ay ibinulong niya sa akin na ang aking baking ang kasagutan sa aking katanungan.
Gumising ako isang araw at tinrabaho ko ang aking negosyo. Pitong araw lamang ang iginugol ko sa pag-research at pagdevelop ng produktong ibebenta, pagpasya sa packaging, logo at kahon, paggawa ng costing at mga poster kuno pang-advertise. Isang linggo. Dahil naniniwala akong kung gusto, ay maraming paraan. Ang unang kahon ng brownies na nabenta ko ay kay Tita Bardot, sa ka-majhong na aking Wowa. (Itutuloy)